[1] Anak ko, kung ikaw ay naging mananagot sa iyong kapuwa, kung iyong ikinamay ang iyong kamay sa di kilala,
[2] Ikaw ay nasilo ng mga salita ng iyong bibig, ikaw ay nahuli ng mga salita ng iyong bibig.
[3] Gawin mo ito ngayon, anak ko, at lumigtas ka, yamang ikaw ay nahulog sa kamay ng iyong kapuwa: yumaon ka, magpakababa ka, at mangayupapa ka sa iyong kapuwa.
[4] Huwag mong bigyan ng tulog ang iyong mga mata. O magpaidlip man sa iyong mga talukap-mata.
[5] Lumigtas ka na parang usa sa kamay ng mangangaso, at parang ibon sa kamay ng mamimitag.
[6] Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad; masdan mo ang kaniyang mga lakad at magpakapantas ka:
[7] Na bagaman walang pangulo, tagapamahala, o pinuno,
[8] Naghahanda ng kaniyang pagkain sa taginit, at pinipisan ang kaniyang pagkain sa pagaani.
[9] Hanggang kailan matutulog ka, Oh tamad? Kailan ka babangon sa iyong pagkakatulog?
[10] Kaunti pang pagkakatulog, kaunti pang pagkaidlip, kaunti pang paghahalukipkip ng mga kamay upang matulog:
[11] Sa gayo'y ang iyong karalitaan ay darating na parang magnanakaw, at ang iyong kasalatan na parang lalaking may sandata.
[12] Taong walang kabuluhan, taong masama, ay siya na lumalakad na may masamang bibig;
[13] Na kumikindat ng kaniyang mga mata, na nagsasalita ng kaniyang mga paa, na nagsasalita ng kaniyang mga daliri;
[14] Pagdaraya ay nasa kaniyang puso, siya'y laging kumakatha ng kasamaan; siya'y naghahasik ng pagtatalo.
[15] Kaya't darating na bigla ang kaniyang kasakunaan; sa kabiglaanan ay mababasag siya, at walang kagamutan.
[16] May anim na bagay na ipinagtatanim ng Panginoon; Oo, pito na mga kasuklamsuklam sa kaniya:
[17] Mga palalong mata, sinungaling na dila, at mga kamay na nagbububo ng walang salang dugo;
[18] Puso na kumakatha ng mga masamang akala, mga paa na matulin sa pagtakbo sa kasamaan;
[19] Sinungaling na saksi na nagsasalita ng kabulaanan, at ang naghahasik ng pagtatalo sa gitna ng magkakapatid.
[20] Anak ko, ingatan mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong kalimutan ang kautusan ng iyong ina:
[21] Ikintal mong lagi sa iyong puso, itali mo sa iyong leeg.
[22] Pagka ikaw ay lumalakad, papatnubay sa iyo; pagka ikaw ay natutulog, babantay sa iyo; at pagka ikaw ay gumigising, makikipagusap sa iyo.
[23] Sapagka't ang utos ay tanglaw; at ang kautusan ay liwanag; at ang mga saway na turo ay daan ng buhay:
[24] Upang ingatan ka sa masamang babae, Sa tabil ng dila ng di kilala.
[25] Huwag mong pitahin ang kaniyang kagandahan sa iyong puso; at huwag ka mang hulihin niya ng kaniyang mga talukap-mata.
[26] Sapagka't dahil sa isang masamang babae ay walang naiiwan sa lalake kundi isang putol na tinapay: at hinuhuli ng mangangalunya ang mahalagang buhay.
[27] Makakukuha ba ng apoy ang tao sa kaniyang sinapupunan, at hindi masusunog ang kaniyang mga suot?
[28] O makalalakad ba ang sinoman sa mga mainit na baga, at ang kaniyang mga paa ay hindi mapapaso?
[29] Gayon ang sumisiping sa asawa ng kaniyang kapuwa; sinomang humipo ay hindi maaaring di parusahan.
[30] Hindi hinahamak ng mga tao ang magnanakaw kung siya'y nagnanakaw, upang busugin siya pagka siya'y gutom:
[31] Nguni't kung siya'y masumpungan, isasauli niyang makapito; kaniyang ibibigay ang lahat na laman ng kaniyang bahay.
[32] Siyang nagkakamit ng pangangalunya sa isang babae ay walang bait: ang gumagawa niyaon ay nagpapahamak sa kaniyang sariling kaluluwa.
[33] Mga sugat at kasiraang puri ang tatamuhin niya; at ang kaniyang kapintasan ay hindi mapapawi.
[34] Sapagka't ang paninibugho ay pagiinit ng tao; at hindi siya magpapatawad sa kaarawan ng panghihiganti.
[35] Hindi niya pakukundanganan ang anomang tubos; ni magpapahinga man siyang tuwa, bagaman ikaw ay magbigay ng maraming suhol.