Proverbs - Chapter 5 Ch. 5 - Proverbs

compare translations

[1]  Anak ko, pakinggan mo ang aking karunungan; ikiling mo ang iyong pakinig sa aking unawa:

[2]  Upang makapagingat ka ng kabaitan, at upang ang iyong mga labi ay makapagingat ng kaalaman.

[3]  Sapagka't ang mga labi ng masamang babae ay tumutulo ng pulot, at ang kaniyang bibig ay madulas kay sa langis:

[4]  Nguni't ang kaniyang huling wakas ay mapait kay sa ahenho, matalas na parang tabak na may talim sa magkabila.

[5]  Ang kaniyang mga paa ay nagsisibaba sa kamatayan; ang kaniyang mga hakbang ay nagsisihawak sa Sheol;

[6]  Na anopa't hindi niya nasusumpungan ang kapanatagan ng landas ng buhay; ang kaniyang mga lakad ay hindi panatag, at hindi niya nalalaman.

[7]  Ngayon nga, mga anak ko, dinggin ninyo ako, at huwag kayong magsihiwalay sa mga salita ng aking bibig.

[8]  Ilayo mo ang iyong lakad sa kaniya, at huwag kang lumapit sa pintuan ng kaniyang bahay:

[9]  Baka mo ibigay ang iyong karangalan sa iba, at ang iyong mga taon sa mga mabagsik:

[10]  Baka ang mga di kilalang babae ay mapuno ng iyong kalakasan; at ang iyong mga pinagpagalan ay mapasa bahay ng kaapid;

[11]  At ikaw ay manangis sa iyong huling wakas, pagka ang iyong laman at ang iyong katawan ay natunaw,

[12]  At iyong sabihin, bakit ko kinayamutan ang turo, at hinamak ng aking puso ang saway:

[13]  Ni hindi ko man sinunod ang tinig ng aking mga tagapagturo, O ikiling ko man ang aking pakinig sa kanila na mga nagturo sa akin!

[14]  Ako'y malapit sa lahat ng kasamaan sa gitna ng kapisanan at ng kapulungan.

[15]  Uminom ka ng tubig sa iyong sariling tipunan ng tubig, at sa nagsisiagos na tubig sa iyong sariling balon.

[16]  Mananabog ba ang iyong mga bukal sa kaluwangan, at mga agos ng tubig sa mga lansangan?

[17]  Maging iyong magisa, at huwag sa di kilala na kasama mo.

[18]  Pagpalain ang iyong bukal; at magalak ka sa asawa ng iyong kabataan.

[19]  Gaya ng maibiging usa at ng masayang usang babae, bigyan kang katiwasayan ng kaniyang dibdib sa buong panahon; at laging malugod ka sa kaniyang pagibig.

[20]  Sapagka't bakit ka malulugod, anak ko, sa ibang babae, at yayakap sa sinapupunan ng di kilala?

[21]  Sapagka't ang mga lakad ng tao ay nasa harap ng mga mata ng Panginoon, at kaniyang pinapatag ang lahat niyang mga landas.

[22]  Ang sarili niyang mga kasamaan ay kukuha sa masama. At siya'y matatalian ng mga panali ng kaniyang kasalanan.

[23]  Siya'y mamamatay sa kakulangan ng turo; at sa kadahilanan ng kaniyang pagkaulol ay maliligaw siya.