Amsal - Pasal 6 Pasal. 6 - Amsal

bandingkan terjemahan

[1]  Anak ko, kung ikaw ay naging mananagot sa iyong kapuwa, kung iyong ikinamay ang iyong kamay sa di kilala,

[2]  Ikaw ay nasilo ng mga salita ng iyong bibig, ikaw ay nahuli ng mga salita ng iyong bibig.

[3]  Gawin mo ito ngayon, anak ko, at lumigtas ka, yamang ikaw ay nahulog sa kamay ng iyong kapuwa: yumaon ka, magpakababa ka, at mangayupapa ka sa iyong kapuwa.

[4]  Huwag mong bigyan ng tulog ang iyong mga mata. O magpaidlip man sa iyong mga talukap-mata.

[5]  Lumigtas ka na parang usa sa kamay ng mangangaso, at parang ibon sa kamay ng mamimitag.

[6]  Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad; masdan mo ang kaniyang mga lakad at magpakapantas ka:

[7]  Na bagaman walang pangulo, tagapamahala, o pinuno,

[8]  Naghahanda ng kaniyang pagkain sa taginit, at pinipisan ang kaniyang pagkain sa pagaani.

[9]  Hanggang kailan matutulog ka, Oh tamad? Kailan ka babangon sa iyong pagkakatulog?

[10]  Kaunti pang pagkakatulog, kaunti pang pagkaidlip, kaunti pang paghahalukipkip ng mga kamay upang matulog:

[11]  Sa gayo'y ang iyong karalitaan ay darating na parang magnanakaw, at ang iyong kasalatan na parang lalaking may sandata.

[12]  Taong walang kabuluhan, taong masama, ay siya na lumalakad na may masamang bibig;

[13]  Na kumikindat ng kaniyang mga mata, na nagsasalita ng kaniyang mga paa, na nagsasalita ng kaniyang mga daliri;

[14]  Pagdaraya ay nasa kaniyang puso, siya'y laging kumakatha ng kasamaan; siya'y naghahasik ng pagtatalo.

[15]  Kaya't darating na bigla ang kaniyang kasakunaan; sa kabiglaanan ay mababasag siya, at walang kagamutan.

[16]  May anim na bagay na ipinagtatanim ng Panginoon; Oo, pito na mga kasuklamsuklam sa kaniya:

[17]  Mga palalong mata, sinungaling na dila, at mga kamay na nagbububo ng walang salang dugo;

[18]  Puso na kumakatha ng mga masamang akala, mga paa na matulin sa pagtakbo sa kasamaan;

[19]  Sinungaling na saksi na nagsasalita ng kabulaanan, at ang naghahasik ng pagtatalo sa gitna ng magkakapatid.

[20]  Anak ko, ingatan mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong kalimutan ang kautusan ng iyong ina:

[21]  Ikintal mong lagi sa iyong puso, itali mo sa iyong leeg.

[22]  Pagka ikaw ay lumalakad, papatnubay sa iyo; pagka ikaw ay natutulog, babantay sa iyo; at pagka ikaw ay gumigising, makikipagusap sa iyo.

[23]  Sapagka't ang utos ay tanglaw; at ang kautusan ay liwanag; at ang mga saway na turo ay daan ng buhay:

[24]  Upang ingatan ka sa masamang babae, Sa tabil ng dila ng di kilala.

[25]  Huwag mong pitahin ang kaniyang kagandahan sa iyong puso; at huwag ka mang hulihin niya ng kaniyang mga talukap-mata.

[26]  Sapagka't dahil sa isang masamang babae ay walang naiiwan sa lalake kundi isang putol na tinapay: at hinuhuli ng mangangalunya ang mahalagang buhay.

[27]  Makakukuha ba ng apoy ang tao sa kaniyang sinapupunan, at hindi masusunog ang kaniyang mga suot?

[28]  O makalalakad ba ang sinoman sa mga mainit na baga, at ang kaniyang mga paa ay hindi mapapaso?

[29]  Gayon ang sumisiping sa asawa ng kaniyang kapuwa; sinomang humipo ay hindi maaaring di parusahan.

[30]  Hindi hinahamak ng mga tao ang magnanakaw kung siya'y nagnanakaw, upang busugin siya pagka siya'y gutom:

[31]  Nguni't kung siya'y masumpungan, isasauli niyang makapito; kaniyang ibibigay ang lahat na laman ng kaniyang bahay.

[32]  Siyang nagkakamit ng pangangalunya sa isang babae ay walang bait: ang gumagawa niyaon ay nagpapahamak sa kaniyang sariling kaluluwa.

[33]  Mga sugat at kasiraang puri ang tatamuhin niya; at ang kaniyang kapintasan ay hindi mapapawi.

[34]  Sapagka't ang paninibugho ay pagiinit ng tao; at hindi siya magpapatawad sa kaarawan ng panghihiganti.

[35]  Hindi niya pakukundanganan ang anomang tubos; ni magpapahinga man siyang tuwa, bagaman ikaw ay magbigay ng maraming suhol.