Proverbs - Chapter 7 Ch. 7 - Proverbs

compare translations

[1]  Anak ko ingatan mo ang aking mga salita, at impukin mo sa iyo ang aking mga utos.

[2]  Ingatan mo ang aking mga utos at mabuhay ka; at ang aking kautusan na parang itim ng iyong mata.

[3]  Itali mo sa iyong mga daliri; ikintal mo sa iyong puso.

[4]  Sabihin mo sa karunungan, Ikaw ay aking kapatid na babae; at tawagin mong iyong kamaganak na babae ang unawa:

[5]  Upang kanilang maingatan ka sa babaing masama; sa babaing di kilala na nagtatabil ng kaniyang mga salita.

[6]  Sapagka't sa dungawan ng aking bahay tumitingin ako sa aking solihia;

[7]  At ako'y tumingin sa mga musmos, ako'y nagmasid sa mga may kabataan, sa may kabataang walang bait,

[8]  Na dumaraan sa lansangan na malapit sa kaniyang sulok, at siya'y yumaon sa daan na patungo sa kaniyang bahay;

[9]  Sa pagtatakip silim, sa kinagabihan ng araw, sa kalahatian ng gabi, at sa kadiliman.

[10]  At, narito, doo'y nasalubong niya ang isang babae na nakagayak ng tila isang patutot, at tuso sa puso.

[11]  Siya'y madaldal at matigas ang ulo; ang kaniyang mga paa ay hindi nagsisitahan sa kaniyang bahay:

[12]  Ngayo'y nasa mga lansangan siya, mamaya'y nasa mga luwal na dako siya, at nagaabang sa bawa't sulok,

[13]  Sa gayo'y hinahawakan niya siya at hinahagkan siya, at may mukhang walang hiya na nagsasabi siya sa kaniya:

[14]  Mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan ay sa akin; sa araw na ito ay tinupad ko ang aking mga panata.

[15]  Kaya't lumabas ako upang salubungin ka, hinanap kong masikap ang iyong mukha, at nasumpungan kita.

[16]  Aking inilatag ang aking higaan na may mga coltsong may burda, na yari sa guhitguhit na kayong lana sa Egipto.

[17]  At aking pinabanguhan ang aking higaan ng mira, mga oleo, at sinamomo.

[18]  Parito ka, tayo'y magpakasiya sa pagsisintahan hanggang sa kinaumagahan; magpakasaya tayo sa mga pagsisintahan.

[19]  Sapagka't ang lalake ay wala sa bahay, siya'y naglakbay sa malayo:

[20]  Siya'y nagdala ng supot ng salapi; siya'y uuwi sa bahay sa kabilugan ng buwan.

[21]  Kaniyang pinasusuko siya ng karamihan ng kaniyang mga matamis na salita, hinihila niya siya ng katabilan ng kaniyang mga labi.

[22]  Pagdaka ay sumusunod siya sa kaniya, gaya ng toro na naparoroon sa patayan, O gaya ng sa mga tanikala sa sawayan sa mangmang;

[23]  Hanggang sa lagpasan ng isang palaso ang kaniyang atay; gaya ng ibong nagmamadali sa bitag, at hindi nakakaalam na yao'y sa kaniyang buhay.

[24]  Ngayon nga, mga anak ko, dinggin ninyo ako, at makinig kayo ng mga salita ng aking bibig.

[25]  Huwag humilig ang iyong puso sa kaniyang mga lakad, huwag kang lumiko sa kaniyang mga landas.

[26]  Sapagka't kaniyang inihiga ang maraming may sugat: Oo, lahat niyang pinatay ay isang makapangyarihang hukbo.

[27]  Ang kaniyang bahay ay daang patungo sa Sheol. Pababa sa mga silid ng kamatayan.