[1] Dakila ang Panginoon, at marapat pakapurihin, sa bayan ng aming Dios, sa kaniyang banal na bundok.
[2] Maganda sa kataasan, ang kagalakan ng buong lupa, siyang bundok ng Sion, sa mga dako ng hilagaan, na bayan ng dakilang Hari.
[3] Ang Dios ay napakilala sa kaniyang mga bahay-hari, na pinakakanlungan.
[4] Sapagka't narito, ang mga hari ay nagpupulong, sila'y nagsidaang magkakasama.
[5] Kanilang nakita, nagsipanggilalas nga sila; sila'y nanganglupaypay, sila'y nangagmadaling tumakas.
[6] Panginginig ay humawak sa kanila roon; sakit, gaya ng sa isang babae sa pagdaramdam.
[7] Sa pamamagitan ng hanging silanganan iyong binabasag ang mga sasakyan sa Tharsis.
[8] Kung ano ang aming narinig, ay gayon ang aming nakita sa bayan ng Panginoon ng mga hukbo, sa bayan ng aming Dios: itatatag ito ng Dios magpakailan man. (Selah)
[9] Aming inaalaala ang iyong kagandahang-loob, Oh Dios, sa gitna ng iyong templo.
[10] Kung ano ang iyong pangalan, Oh Dios, gayon ang pagpuri sa iyo hanggang sa mga wakas ng lupa; ang iyong kanan ay puspos ng katuwiran.
[11] Matuwa ka bundok ng Sion, magalak ang mga anak na babae ng Juda, dahil sa iyong mga kahatulan.
[12] Libutin ninyo ang Sion, at inyong ligirin siya: inyong saysayin ang mga moog niyaon.
[13] Tandaan ninyong mabuti ang kaniyang mga kuta, inyong masdan ang kaniyang mga bahay-hari; upang inyong maisaysay ito sa susunod na lahi.
[14] Sapagka't ang Dios na ito ay ating Dios magpakailan-kailan man: siya'y magiging ating patnubay hanggang sa kamatayan.