[1] Dinggin ninyo ito, ninyong lahat na mga bayan; pakinggan ninyo, ninyong lahat na nananahan sa daigdig:
[2] Ng mababa at gayon din ng mataas, ng mayaman at ng dukha na magkasama.
[3] Ang aking bibig ay magsasalita ng karunungan; at ang pagbubulay ng aking puso ay magiging sa pagunawa.
[4] Ikikiling ko ang aking panig sa talinghaga: ibubuka ko ang aking malabong sabi sa alpa.
[5] Bakit ako matatakot sa mga kaarawan ng kasamaan, pagka kinukulong ako ng kasamaan sa aking mga sakong?
[6] Silang nagsisitiwala sa kanilang kayamanan, at nangaghahambog sa karamihan ng kanilang mga kayamanan;
[7] Wala sa kaniyang makatutubos sa ano pa mang paraan sa kaniyang kapatid, ni magbibigay man sa Dios ng pangtubos sa kaniya:
[8] (Sapagka't ang katubusan ng kanilang kaluluwa ay mahal, at ito'y naglilikat magpakailan man:)
[9] Upang siya'y mabuhay na lagi, upang siya'y huwag makakita ng kabulukan.
[10] Sapagka't nakikita niya na ang mga pantas ay nangamamatay, ang mangmang at gayon din ang hangal ay nililipol, at iniiwanan ang kanilang kayamanan sa mga iba.
[11] Ang kanilang pagiisip sa loob ay, na ang kanilang mga bahay ay mananatili magpakailan man, at ang kanilang mga tahanang dako ay sa lahat ng sali't saling lahi; tinatawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang sariling mga pangalan.
[12] Nguni't ang tao'y hindi lalagi sa karangalan: siya'y gaya ng mga hayop na nangamamatay.
[13] Itong kanilang lakad ay kanilang kamangmangan: gayon ma'y pagkatapos nila ay sinasangayunan ng mga tao ang kanilang mga kasabihan. (Selah)
[14] Sila'y nangatakda sa Sheol na parang kawan; kamatayan ay magiging pastor sa kanila: at ang matuwid ay magtataglay ng kapangyarihan sa kanila sa kinaumagahan; at ang kanilang kagandahan ay mapapasa Sheol upang matunaw, upang mawalan ng tahanan.
[15] Nguni't tutubusin ng Dios ang aking kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol: sapagka't tatanggapin niya ako. (Selah)
[16] Huwag kang matakot pagka may yumaman. Pagka ang kaluwalhatian ng kaniyang bahay ay lumago:
[17] Sapagka't pagka siya'y namatay ay wala siyang dadalhin; ang kaniyang kaluwalhatian ay hindi bababang susunod sa kaniya.
[18] Bagaman habang siya'y nabuhay ay kaniyang pinagpala ang kaniyang kaluluwa, (at pinupuri ka ng mga tao pagka gumagawa ka ng mabuti sa iyong sarili),
[19] Siya'y paroroon sa lahi ng kaniyang mga magulang; hindi sila makakakita kailan man ng liwanag.
[20] Taong nasa karangalan, at hindi nakakaunawa, ay gaya ng mga hayop na namamatay.