Psalms - Chapter 102 Ch. 102 - Psalms

compare translations

[1]  Dinggin mo ang dalangin ko, Oh Panginoon, at dumating nawa ang daing ko sa iyo.

[2]  Huwag mong ikubli ang mukha mo sa akin sa kaarawan ng aking kahirapan: ikiling mo ang iyong pakinig sa akin; sa araw na ako'y tumawag, ay sagutin mo akong madali.

[3]  Sapagka't ang mga kaarawan ko'y nangapapawi na parang usok, at ang mga buto ko'y nangasusunog na parang panggatong.

[4]  Ang puso ko'y nasaktan na parang damo, at natuyo; sapagka't nalimutan kong kanin ang aking tinapay.

[5]  Dahil sa tinig ng aking daing ang mga buto ko'y nagsisidikit sa aking laman.

[6]  Ako'y parang pelikano sa ilang; ako'y naging parang kuwago sa kaparangan.

[7]  Ako'y umaabang, at ako'y naging parang maya na nagiisa sa bubungan.

[8]  Dinudusta ako ng aking mga kaaway buong araw; silang nangauulol laban sa akin ay nagsisisumpa sa akin.

[9]  Sapagka't kinain ko ang mga abo na parang tinapay, at hinaluan ko ang aking inumin ng iyak.

[10]  Dahil sa iyong galit at iyong poot: sapagka't ako'y iyong itinaas, at inihagis.

[11]  Ang aking mga kaarawan ay parang lilim na kumikiling; at ako'y natuyo na parang damo.

[12]  Nguni't ikaw, Oh Panginoon, ay mamamalagi magpakailan man; at ang alaala sa iyo ay sa lahat ng sali't saling lahi.

[13]  Ikaw ay babangon at maaawa sa Sion: sapagka't kapanahunan ng pagkaawa sa kaniya, Oo, ang takdang panahon ay dumating.

[14]  Sapagka't nililigaya ang iyong mga lingkod sa kaniyang mga bato, at nanghihinayang sa kaniyang alabok.

[15]  Sa gayo'y katatakutan ng mga bansa ang pangalan ng Panginoon. At ng lahat ng hari sa lupa ang iyong kaluwalhatian;

[16]  Sapagka't itinayo ng Panginoon ang Sion, siya'y napakita sa kaniyang kaluwalhatian;

[17]  Kaniyang dininig ang dalangin ng tapon, at hindi hinamak ang kanilang dalangin.

[18]  Ito'y isusulat na ukol sa lahing susunod: at ang bayang lalalangin ay pupuri sa Panginoon.

[19]  Sapagka't siya'y tumungo mula sa kaitaasan ng kaniyang santuario; tumingin ang Panginoon sa lupa mula sa langit;

[20]  Upang dinggin ang buntong hininga ng bilanggo: upang kalagan yaong nangaitakdang patayin;

[21]  Upang maipahayag ng mga tao ang pangalan ng Panginoon sa Sion, at ang kaniyang kapurihan sa Jerusalem;

[22]  Nang ang mga bayan ay mapisan, at ang mga kaharian, upang maglingkod sa Panginoon.

[23]  Kaniyang pinahina ang aking kalakasan sa daan; kaniyang pinaikli ang mga kaarawan ko.

[24]  Aking sinabi, Oh Dios ko, huwag mo akong kunin sa kalagitnaan ng aking mga kaarawan; ang mga taon mo'y lampas sa mga sali't saling lahi.

[25]  Nang una ay inilagay mo ang patibayan ng lupa; at ang mga langit ay gawa ng iyong mga kamay.

[26]  Sila'y uuwi sa wala, nguni't ikaw ay mananatili: Oo, silang lahat ay maluluma na parang bihisan; parang isang kasuutan na iyong mga papalitan, at sila'y mga mapapalitan:

[27]  Nguni't ikaw rin, at ang mga taon mo'y hindi magkakawakas.

[28]  Ang mga anak ng iyong mga lingkod ay mangamamalagi, at ang kanilang binhi ay matatatag sa harap mo.