[1] Dinggin mo ang dalangin ko, Oh Panginoon, at dumating nawa ang daing ko sa iyo.
[2] Huwag mong ikubli ang mukha mo sa akin sa kaarawan ng aking kahirapan: ikiling mo ang iyong pakinig sa akin; sa araw na ako'y tumawag, ay sagutin mo akong madali.
[3] Sapagka't ang mga kaarawan ko'y nangapapawi na parang usok, at ang mga buto ko'y nangasusunog na parang panggatong.
[4] Ang puso ko'y nasaktan na parang damo, at natuyo; sapagka't nalimutan kong kanin ang aking tinapay.
[5] Dahil sa tinig ng aking daing ang mga buto ko'y nagsisidikit sa aking laman.
[6] Ako'y parang pelikano sa ilang; ako'y naging parang kuwago sa kaparangan.
[7] Ako'y umaabang, at ako'y naging parang maya na nagiisa sa bubungan.
[8] Dinudusta ako ng aking mga kaaway buong araw; silang nangauulol laban sa akin ay nagsisisumpa sa akin.
[9] Sapagka't kinain ko ang mga abo na parang tinapay, at hinaluan ko ang aking inumin ng iyak.
[10] Dahil sa iyong galit at iyong poot: sapagka't ako'y iyong itinaas, at inihagis.
[11] Ang aking mga kaarawan ay parang lilim na kumikiling; at ako'y natuyo na parang damo.
[12] Nguni't ikaw, Oh Panginoon, ay mamamalagi magpakailan man; at ang alaala sa iyo ay sa lahat ng sali't saling lahi.
[13] Ikaw ay babangon at maaawa sa Sion: sapagka't kapanahunan ng pagkaawa sa kaniya, Oo, ang takdang panahon ay dumating.
[14] Sapagka't nililigaya ang iyong mga lingkod sa kaniyang mga bato, at nanghihinayang sa kaniyang alabok.
[15] Sa gayo'y katatakutan ng mga bansa ang pangalan ng Panginoon. At ng lahat ng hari sa lupa ang iyong kaluwalhatian;
[16] Sapagka't itinayo ng Panginoon ang Sion, siya'y napakita sa kaniyang kaluwalhatian;
[17] Kaniyang dininig ang dalangin ng tapon, at hindi hinamak ang kanilang dalangin.
[18] Ito'y isusulat na ukol sa lahing susunod: at ang bayang lalalangin ay pupuri sa Panginoon.
[19] Sapagka't siya'y tumungo mula sa kaitaasan ng kaniyang santuario; tumingin ang Panginoon sa lupa mula sa langit;
[20] Upang dinggin ang buntong hininga ng bilanggo: upang kalagan yaong nangaitakdang patayin;
[21] Upang maipahayag ng mga tao ang pangalan ng Panginoon sa Sion, at ang kaniyang kapurihan sa Jerusalem;
[22] Nang ang mga bayan ay mapisan, at ang mga kaharian, upang maglingkod sa Panginoon.
[23] Kaniyang pinahina ang aking kalakasan sa daan; kaniyang pinaikli ang mga kaarawan ko.
[24] Aking sinabi, Oh Dios ko, huwag mo akong kunin sa kalagitnaan ng aking mga kaarawan; ang mga taon mo'y lampas sa mga sali't saling lahi.
[25] Nang una ay inilagay mo ang patibayan ng lupa; at ang mga langit ay gawa ng iyong mga kamay.
[26] Sila'y uuwi sa wala, nguni't ikaw ay mananatili: Oo, silang lahat ay maluluma na parang bihisan; parang isang kasuutan na iyong mga papalitan, at sila'y mga mapapalitan:
[27] Nguni't ikaw rin, at ang mga taon mo'y hindi magkakawakas.
[28] Ang mga anak ng iyong mga lingkod ay mangamamalagi, at ang kanilang binhi ay matatatag sa harap mo.