[1] Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko: at lahat na nangasa loob ko ay magsisipuri sa kaniyang banal na pangalan.
[2] Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko, at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mabubuting gawa.
[3] Na siyang nagpapatawad ng iyong lahat na mga kasamaan; na siyang nagpapagaling ng iyong lahat na mga sakit;
[4] Na siyang tumutubos ng iyong buhay sa pagkapahamak: na siyang nagpuputong sa iyo ng kagandahang-loob at malumanay na mga kaawaan:
[5] Na siyang bumubusog sa iyong bibig ng mabuting bagay; Na anopa't ang iyong kabataan ay nababagong parang agila.
[6] Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa, at ng mga kahatulan na ukol sa lahat na naaapi.
[7] Kaniyang ipinabatid ang kaniyang mga daan kay Moises, ang kaniyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
[8] Ang Panginoon ay puspos ng kahabagan at mapagbiyaya, banayad sa pagkagalit at sagana sa kagandahang-loob.
[9] Hindi siya makikipagkaalit na palagi; ni kaniya mang tataglayin ang kaniyang galit magpakailan man.
[10] Siya'y hindi gumawa sa atin ng ayon sa ating mga kasalanan, ni gumanti man sa atin ng ayon sa ating mga kasamaan.
[11] Sapagka't kung paanong ang mga langit ay mataas kay sa lupa, gayon kalaki ang kaniyang kagandahang-loob sa kanila na nangatatakot sa kaniya.
[12] Kung gaano ang layo ng silanganan sa kalunuran, gayon inilayo niya ang mga pagsalangsang natin sa atin.
[13] Kung paanong ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak, gayon naaawa ang Panginoon sa kanilang nangatatakot sa kaniya.
[14] Sapagka't nalalaman niya ang ating anyo; kaniyang inaalaala na tayo'y alabok.
[15] Tungkol sa tao, ang kaniyang mga kaarawan ay parang damo: kung paanong namumukadkad ang bulaklak sa parang ay gayon siya.
[16] Sapagka't dinadaanan ng hangin, at napaparam; at ang dako niyaon ay hindi na malalaman.
[17] Nguni't ang kagandahang-loob ng Panginoon ay mula ng walang pasimula hanggang sa walang hanggan sa nangatatakot sa kaniya, at ang kaniyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak;
[18] Sa gayong nagiingat ng kaniyang tipan, at sa nagsisialaala ng kaniyang mga utos upang gawin,
[19] Itinatag ng Panginoon ang kaniyang luklukan sa mga langit; at ang kaniyang kaharian ay nagpupuno sa lahat.
[20] Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong mga anghel niya: ninyong makapangyarihan sa kalakasan na gumaganap ng kaniyang salita, na nakikinig sa tinig ng kaniyang salita.
[21] Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na hukbo niya; ninyong mga ministro niya, na nagsisigawa ng kaniyang kasayahan.
[22] Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na mga gawa niya, sa lahat na dako na kaniyang sakop; purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko.