Job - Chapter 36 Ch. 36 - Job

compare translations

[1]  Si Eliu rin naman ay nagpatuloy at nagsabi,

[2]  Pagdalitaan mo akong sandali, at aking ipakikilala sa iyo; sapagka't mayroon pa akong masasalita sa pagsasanggalang sa Dios.

[3]  Dadalhin ko ang aking kaalaman mula sa malayo, at aking itutungkol ang katuwiran sa Maylalang sa akin.

[4]  Sapagka't tunay na ang aking mga salita ay hindi kabulaanan: Siyang sakdal sa kaalaman ay sumasaiyo.

[5]  Narito ang Dios ay makapangyarihan, at hindi humahamak sa kanino man; siya'y makapangyarihan sa lakas ng unawa.

[6]  Hindi niya pinanatili ang buhay ng masama: nguni't nagbibigay ng matuwid sa napipighati.

[7]  Hindi niya inihihiwalay ang kaniyang mga mata sa matuwid: kundi kasama ng mga hari sa luklukan, kaniyang itinatatag sila magpakailan man, at sila'y natataas.

[8]  At kung sila'y mapapangaw, at mapipigil sa mga panali ng kapighatian;

[9]  Itinuturo nga niya sa kanila ang kanilang gawa, at ang kanilang mga pagsalangsang na kanilang pinalalo.

[10]  Ibinubuka rin naman niya ang kanilang pakinig sa turo, at iniuutos na sila'y magsihiwalay sa kasamaan.

[11]  Kung sila'y makinig at maglingkod sa kaniya, kanilang gugugulin ang kanilang mga kaarawan sa kaginhawahan, at ang kanilang mga taon sa kasayahan.

[12]  Nguni't kung hindi sila mangakinig, sila'y mangamamatay sa pamamagitan ng tabak, at sila'y mangamamatay na walang kaalaman.

[13]  Nguni't ang di banal sa puso ay nagbubunton ng galit: hindi humihiyaw sila ng saklolo pagka tinatalian niya sila.

[14]  Sila'y nangamamatay sa kabataan, at ang kanilang buhay ay napapahamak sa gitna ng marumi.

[15]  Inililigtas niya ang mga dukha sa kanilang pagkapighati, at ibinubuka ang kanilang mga pakinig sa pagkapighati.

[16]  Oo, hahanguin ka niya mula sa kagipitan, hanggang sa luwal na dako na walang kagipitan; at ang malalagay sa iyong dulang ay mapupuno ng katabaan.

[17]  Nguni't ikaw ay puspos ng kahatulan ng masama: kahatulan at kaganapan ang humahawak sa iyo.

[18]  Sapagka't may poot, magingat ka baka ikaw ay iligaw ng iyong kasiyahan; ni mailigaw ka man ng kalakhan ng katubusan.

[19]  Mapapaari ba ang iyong sigaw na ikaw ay hindi mapapasa kapanglawan, O ang madlang lakas man ng iyong kalakasan?

[20]  Huwag mong nasain ang gabi, pagka ang mga bayan ay nangahiwalay sa kanilang kinaroroonang dako.

[21]  Ikaw ay magingat, huwag mong lingunin ang kasamaan; sapagka't ito'y iyong pinili sa halip ng kadalamhatian.

[22]  Narito, ang Dios ay gumagawa ng mainam sa kaniyang kapangyarihan: sinong tagapagturo ang gaya niya?

[23]  Sinong nagguhit sa kaniya ng kaniyang daan? O sinong makapagsasabi, ikaw ay gumawa ng kalikuan?

[24]  Alalahanin mo na iyong dinakila ang kaniyang gawa, na inawit ng mga tao.

[25]  Lahat ng mga tao'y nakakita noon; makikita ito ng tao sa malayo.

[26]  Narito, ang Dios ay dakila, at hindi natin nakikilala siya; hindi masayod ang bilang ng kaniyang mga taon.

[27]  Sapagka't pinailanglang niya ang mga patak ng tubig, na nagiging ulan mula sa singaw na yaon:

[28]  Na ibinubuhos ng mga langit at ipinapatak na sagana sa tao.

[29]  Oo, may makakaunawa ba ng paglaganap ng mga alapaap, ng mga kulog ng kaniyang kulandong?

[30]  Narito, pinalalaganap niya ang kaniyang liwanag sa palibot niya; at inaapawan ang kalaliman ng dagat.

[31]  Sapagka't sa pamamagitan ng mga ito ay hinahatulan niya ang mga bayan; siya'y nagbibigay ng pagkaing sagana.

[32]  Tinatakpan niya ang kaniyang mga kamay ng kidlat; at ibinilin sa kidlat na tumama sa pinakatanda.

[33]  Ang hugong niyaon ay nagsasaysay ng tungkol sa kaniya, ang hayop nama'y ng tungkol sa bagyo na dumarating.