[2] Pagdalitaan mo akong sandali, at aking ipakikilala sa iyo; sapagka't mayroon pa akong masasalita sa pagsasanggalang sa Dios.
[3] Dadalhin ko ang aking kaalaman mula sa malayo, at aking itutungkol ang katuwiran sa Maylalang sa akin.
[4] Sapagka't tunay na ang aking mga salita ay hindi kabulaanan: Siyang sakdal sa kaalaman ay sumasaiyo.
[5] Narito ang Dios ay makapangyarihan, at hindi humahamak sa kanino man; siya'y makapangyarihan sa lakas ng unawa.
[6] Hindi niya pinanatili ang buhay ng masama: nguni't nagbibigay ng matuwid sa napipighati.
[7] Hindi niya inihihiwalay ang kaniyang mga mata sa matuwid: kundi kasama ng mga hari sa luklukan, kaniyang itinatatag sila magpakailan man, at sila'y natataas.
[8] At kung sila'y mapapangaw, at mapipigil sa mga panali ng kapighatian;
[9] Itinuturo nga niya sa kanila ang kanilang gawa, at ang kanilang mga pagsalangsang na kanilang pinalalo.
[10] Ibinubuka rin naman niya ang kanilang pakinig sa turo, at iniuutos na sila'y magsihiwalay sa kasamaan.
[11] Kung sila'y makinig at maglingkod sa kaniya, kanilang gugugulin ang kanilang mga kaarawan sa kaginhawahan, at ang kanilang mga taon sa kasayahan.
[12] Nguni't kung hindi sila mangakinig, sila'y mangamamatay sa pamamagitan ng tabak, at sila'y mangamamatay na walang kaalaman.
[13] Nguni't ang di banal sa puso ay nagbubunton ng galit: hindi humihiyaw sila ng saklolo pagka tinatalian niya sila.
[14] Sila'y nangamamatay sa kabataan, at ang kanilang buhay ay napapahamak sa gitna ng marumi.
[15] Inililigtas niya ang mga dukha sa kanilang pagkapighati, at ibinubuka ang kanilang mga pakinig sa pagkapighati.
[16] Oo, hahanguin ka niya mula sa kagipitan, hanggang sa luwal na dako na walang kagipitan; at ang malalagay sa iyong dulang ay mapupuno ng katabaan.
[17] Nguni't ikaw ay puspos ng kahatulan ng masama: kahatulan at kaganapan ang humahawak sa iyo.
[18] Sapagka't may poot, magingat ka baka ikaw ay iligaw ng iyong kasiyahan; ni mailigaw ka man ng kalakhan ng katubusan.
[19] Mapapaari ba ang iyong sigaw na ikaw ay hindi mapapasa kapanglawan, O ang madlang lakas man ng iyong kalakasan?
[20] Huwag mong nasain ang gabi, pagka ang mga bayan ay nangahiwalay sa kanilang kinaroroonang dako.
[21] Ikaw ay magingat, huwag mong lingunin ang kasamaan; sapagka't ito'y iyong pinili sa halip ng kadalamhatian.
[22] Narito, ang Dios ay gumagawa ng mainam sa kaniyang kapangyarihan: sinong tagapagturo ang gaya niya?
[23] Sinong nagguhit sa kaniya ng kaniyang daan? O sinong makapagsasabi, ikaw ay gumawa ng kalikuan?
[24] Alalahanin mo na iyong dinakila ang kaniyang gawa, na inawit ng mga tao.
[25] Lahat ng mga tao'y nakakita noon; makikita ito ng tao sa malayo.
[26] Narito, ang Dios ay dakila, at hindi natin nakikilala siya; hindi masayod ang bilang ng kaniyang mga taon.
[27] Sapagka't pinailanglang niya ang mga patak ng tubig, na nagiging ulan mula sa singaw na yaon:
[28] Na ibinubuhos ng mga langit at ipinapatak na sagana sa tao.
[29] Oo, may makakaunawa ba ng paglaganap ng mga alapaap, ng mga kulog ng kaniyang kulandong?
[30] Narito, pinalalaganap niya ang kaniyang liwanag sa palibot niya; at inaapawan ang kalaliman ng dagat.
[31] Sapagka't sa pamamagitan ng mga ito ay hinahatulan niya ang mga bayan; siya'y nagbibigay ng pagkaing sagana.
[32] Tinatakpan niya ang kaniyang mga kamay ng kidlat; at ibinilin sa kidlat na tumama sa pinakatanda.
[33] Ang hugong niyaon ay nagsasaysay ng tungkol sa kaniya, ang hayop nama'y ng tungkol sa bagyo na dumarating.