[1] Bukod dito'y sumagot si Eliu, at nagsabi,
[2] Iniisip mo bang ito'y matuwid? O sinasabi mong: Ang aking katuwiran ay higit kay sa Dios,
[3] Na iyong sinasabi, Anong pakinabang ang tatamuhin mo? At, anong pakinabang ang tataglayin kong higit kung ako'y nagkasala?
[4] Sasagutin kita, at ang iyong mga kasamahang kasama mo.
[5] Tumingala ka sa mga langit at iyong tingnan; at masdan mo ang mga alapaap na lalong mataas kay sa iyo.
[6] Kung ikaw ay nagkasala, anong iyong ginagawa laban sa kaniya? At kung ang iyong mga pagsalangsang ay dumami, anong iyong ginagawa sa kaniya?
[7] Kung ikaw ay matuwid anong ibinibigay mo sa kaniya? O anong tinatanggap niya sa iyong kamay?
[8] Ang iyong kasamaan ay makapagpapahamak sa isang lalaking gaya mo; at ang iyong katuwiran ay makapagpapakinabang sa anak ng tao.
[9] Dahil sa karamihan ng mga kapighatian, sila'y humihiyaw: sila'y humihingi ng tulong dahil sa kamay ng makapangyarihan.
[10] Nguni't walang nagsasabing, Saan nandoon ang Dios na Maylalang sa akin, na siyang nagbibigay ng awit kung gabi;
[11] Na siyang nagtuturo sa atin ng higit kay sa mga hayop sa lupa. At ginagawa tayong lalong pantas kay sa mga ibon sa himpapawid?
[12] Doo'y tumatawag sila, nguni't walang sumasagot, dahil sa kapalaluan ng mga masamang tao.
[13] Tunay na hindi didinggin ng Dios ang walang kabuluhan, ni pakukundanganan man ito ng Makapangyarihan sa lahat.
[14] Gaano pa kaliit kung iyong sinasabing hindi mo nakikita siya. Ang usap ay nasa harap niya, at iyong hinihintay siya!
[15] Nguni't ngayon sapagka't hindi niya dinalaw sa kaniyang galit, ni ginunita mang maigi;
[16] Kaya't ibinubuka ni Job ang kaniyang bibig sa walang kabuluhan; siya'y nagpaparami ng mga salita na walang kaalaman.