Job - Chapter 23 Ch. 23 - Job

compare translations

[1]  Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,

[2]  Magpahanggang ngayo'y mapanghimagsik ang aking daing: ang bugbog sa akin ay lalong mabigat kaysa aking hibik.

[3]  Oh mano nawang maalaman ko kung saan ko masusumpungan siya, upang ako'y dumating hanggang sa kaniyang likmuan!

[4]  Aking aayusin ang aking usap sa harap niya, at pupunuin ko ang aking bibig ng mga pangangatuwiran.

[5]  Aking malalaman ang mga salita na kaniyang isasagot sa akin, at matatalastas ko kung ano ang kaniyang sasabihin sa akin.

[6]  Makikipagtalo ba siya sa akin sa kalakhan ng kaniyang kapangyarihan? Hindi; kundi pakikinggan niya ako.

[7]  Doo'y makapangangatuwiran sa kaniya ang matuwid; sa gayo'y maliligtas ako magpakailan man sa aking hukom.

[8]  Narito, ako'y nagpapatuloy, nguni't wala siya; at sa dakong likuran, nguni't hindi ko siya mamataan:

[9]  Sa kaliwa pagka siya'y gumagawa, nguni't hindi ko mamasdan siya: siya'y nagkukubli sa kanan, na hindi ko makita siya.

[10]  Nguni't nalalaman niya ang daang aking nilalakaran; pagka kaniyang nasubok ako ay lalabas akong parang ginto.

[11]  Ang aking paa ay sumunod na lubos sa kaniyang mga hakbang. Ang kaniyang daan ay aking iningatan, at hindi ako lumiko.

[12]  Ako'y hindi humiwalay sa utos ng kaniyang mga labi; aking pinagyaman ang mga salita ng kaniyang bibig ng higit kay sa aking kailangang pagkain.

[13]  Nguni't siya'y sa isang akala, at sinong makapagpapabalik sa kaniya? At kung ano ang ninanasa ng kaniyang kaluluwa siya nga niyang ginagawa.

[14]  Sapagka't kaniyang isinasagawa ang itinakda sa akin: at maraming gayong mga bagay ang nasa kaniya.

[15]  Kaya't ako'y nababagabag sa kaniyang harapan; pagka aking binubulay, ay natatakot ako sa kaniya.

[16]  Dahil sa pinapanglupaypay ng Dios ang aking puso, at binagabag ako ng Makapangyarihan sa lahat:

[17]  Sapagka't hindi ako inihiwalay sa harap ng kadiliman, ni tinakpan man niya ang salimuot na kadiliman sa aking mukha.