[1] Nang magkagayo'y sumagot si Eliphaz na Temanita, at nagsabi,
[2] Mapapakinabangan ba ang tao ng Dios? Tunay na siyang pantas ay nakikinabang sa kaniyang sarili.
[3] May kasayahan ba sa Makapangyarihan sa lahat na ikaw ay matuwid? O may pakinabang ba sa kaniya na iyong pinasasakdal ang iyong mga lakad?
[4] Dahil ba sa iyong takot sa kaniya na kaniyang sinasaway ka, na siya'y pumasok sa iyo sa kahatulan?
[5] Hindi ba malaki ang iyong kasamaan? Ni wala mang anomang wakas sa iyong mga kasamaan.
[6] Sapagka't ikaw ay kumuha ng sangla ng iyong kapatid sa wala, at iyong hinubdan ng kanilang suot ang hubad.
[7] Ikaw ay hindi nagbigay ng tubig sa pagod upang uminom, at ikaw ay nagkait ng tinapay sa gutom.
[8] Nguni't tungkol sa makapangyarihang tao, siya'y nagtatangkilik ng lupa; at ang marangal na tao, ay tumatahan doon.
[9] Iyong pinayaong walang dala ang mga babaing bao, at ang mga kamay ng ulila ay nangabali.
[10] Kaya't ang mga silo ay nangasa palibot mo, at biglang takot ay bumabagabag sa iyo,
[11] O kadiliman, upang huwag kang makakita. At kasaganaan ng tubig ay tumatabon sa iyo.
[12] Hindi ba ang Dios ay nasa kaitaasan ng langit? At, narito, ang kataasan ng mga bituin, pagkataastaas nila!
[13] At iyong sinasabi, Anong nalalaman ng Dios? Makahahatol ba siya sa salisalimuot na kadiliman?
[14] Masinsing alapaap ang tumatakip sa kaniya, na siya'y hindi nakakakita; at siya'y lumalakad sa balantok ng langit.
[15] Iyo bang pagpapatuluyan ang dating daan, na nilakaran ng mga masamang tao?
[16] Na siyang mga naalis bago dumating ang kanilang kapanahunan. Na ang patibayan ay nahuhong parang agos:
[17] Na nagsabi sa Dios: Lumayo ka sa amin; at, anong magagawa sa amin ng Makapangyarihan sa lahat?
[18] Gayon ma'y pinuno niya ang kanilang mga bahay ng mga mabuting bagay; nguni't ang payo ng masama ay malayo sa akin.
[19] Nakikita ng mga matuwid at nangatutuwa; at tinatawanang mainam ng walang sala:
[20] Na nagsasabi, Walang pagsalang silang nagsisibangon laban sa atin ay nahiwalay, at ang nalabi sa kanila ay sinupok ng apoy.
[21] Makipagkilala ka sa kaniya, at ikaw ay mapayapa: anopa't ang mabuti ay darating sa iyo.
[22] Iyong tanggapin, isinasamo ko sa iyo, ang kautusan mula sa kaniyang bibig, at ilagak mo ang kaniyang mga salita sa iyong puso.
[23] Kung ikaw ay bumalik sa Makapangyarihan sa lahat, ay matatayo ka; kung iyong ilayo ang kalikuan sa iyong mga tolda.
[24] At ilagay mo ang iyong kayamanan sa alabok, at ang ginto ng Ophir sa gitna ng mga bato ng mga batis:
[25] At ang Makapangyarihan sa lahat ay magiging iyong kayamanan, at mahalagang pilak sa iyo.
[26] Sapagka't ikaw ay magagalak nga ng iyong sarili sa Makapangyarihan sa lahat, at iyong itataas ang iyong mukha sa Dios.
[27] Ikaw ay dadalangin sa kaniya, at kaniyang didinggin ka: at iyong babayaran ang iyong mga panata.
[28] Ikaw nama'y magpapasiya ng isang bagay, at ito'y matatatag sa iyo; at liwanag ay sisilang sa iyong mga daan.
[29] Pagka inilulugmok ka nila, ay iyong sasabihin: Magpakataas; at ililigtas niya ang mapagpakumbabang tao.
[30] Kaniyang ililigtas, pati ng hindi banal: Oo, siya'y maliligtas sa kalinisan ng iyong mga kamay.