Job - Chapter 21 Ch. 21 - Job

compare translations

[1]  Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,

[2]  Pakinggan ninyong mainam ang aking pananalita; at ito'y maging inyong mga kaaliwan.

[3]  Pagdalitaan ninyo ako, at ako nama'y magsasalita, at pagkatapos na ako'y makapagsalita, ay manuya kayo.

[4]  Tungkol sa akin, ay sa tao ba ang aking daing? At bakit hindi ako maiinip?

[5]  Tandaan ninyo ako, at matigilan kayo. At ilagay ninyo ang inyong kamay sa inyong bibig,

[6]  Pagka aking naaalaala nga ay nababagabag ako, at kikilabutan ang humahawak sa aking laman.

[7]  Bakit nabubuhay ang masama, nagiging matanda, oo, nagiging malakas ba sa kapangyarihan?

[8]  Ang kanilang binhi ay natatatag nakasama nila sa kanilang paningin, at ang kanilang mga suwi ay nasa harap ng kanilang mga mata.

[9]  Ang kanilang mga bahay ay tiwasay na walang takot, kahit ang pamalo man ng Dios ay wala sa kanila.

[10]  Ang kanilang baka ay naglilihi, at hindi nababaog; ang kanilang baka ay nanganganak, at hindi napapahamak ang kaniyang guya.

[11]  Kaniyang inilabas ang kanilang mga bata na gaya ng kawan, at ang kanilang mga anak ay nangagsasayawan,

[12]  Sila'y nangagaawitan na katugma ng pandereta at alpa, at nangagkakatuwa sa tunog ng plauta.

[13]  Kanilang ginugugol ang kanilang mga kaarawan sa kaginhawahan, at sa isang sandali ay nagsisilusong sila sa Sheol.

[14]  At sinasabi nila sa Dios: Lumayo ka sa amin; sapagka't hindi namin ninanasa ang pagkaalam ng inyong mga lakad.

[15]  Ano ang Makapangyarihan sa lahat na siya'y paglilingkuran namin? At anong pakinabang magkakaroon kami, kung kami ay magsidalangin sa kaniya?

[16]  Narito, ang kanilang kaginhawahan ay wala sa kanilang kamay: ang payo ng masama ay malayo sa akin.

[17]  Gaano kadalas pinapatay ang ilawan ng masama? Na ang kanilang kapahamakan ay dumarating ba sa kanila? Na nagbabahagi ba ang Dios ng mga kapanglawan sa kaniyang galit?

[18]  Na sila'y gaya ng dayami sa harap ng hangin, at gaya ng ipa na tinatangay ng bagyo?

[19]  Inyong sinasabi, Inilalapat ng Dios ang kaniyang parusa sa kaniyang mga anak. Gantihin sa kaniyang sarili upang maalaman niya.

[20]  Makita ng kaniyang mga mata ang kaniyang pagkagiba, at uminom siya ng poot ng Makapangyarihan sa lahat.

[21]  Sapagka't anong kasayahan magkakaroon siya sa kaniyang bahay pagkamatay niya, pagka ang bilang ng kaniyang mga buwan ay nahiwalay sa gitna?

[22]  May makapagtuturo ba ng kaalaman sa Dios? Dangang kaniyang hinahatulan yaong nangasa mataas.

[23]  Isa'y namamatay sa kaniyang lubos na kalakasan, palibhasa't walang bahala at tahimik:

[24]  Ang kaniyang mga suso ay puno ng gatas, at ang utak ng kaniyang mga buto ay halumigmig.

[25]  At ang iba'y namamatay sa paghihirap ng kaluluwa, at kailan man ay hindi nakakalasa ng mabuti.

[26]  Sila'y nahihigang magkakasama sa alabok, at tinatakpan sila ng uod.

[27]  Narito, aking nalalaman ang inyong pagiisip, at ang mga maling haka ng inyong inaakala laban sa akin.

[28]  Sapagka't inyong sinasabi, Saan naroon ang bahay ng prinsipe? At saan naroon ang tolda na tinatahanan ng masama?

[29]  Hindi ba ninyo itinanong sa kanilang nangagdadaan? At hindi ba ninyo nalalaman ang kanilang mga pinagkakakilanlan?

[30]  Na ang masamang tao ay natataan sa kaarawan ng kasakunaan? Na sila'y pinapatnubayan sa kaarawan ng kapootan?

[31]  Sinong magpapahayag ng kaniyang lakad sa kaniyang mukha? At sinong magbabayad sa kaniya ng kaniyang ginawa?

[32]  Gayon ma'y dadalhin siya sa libingan, at magbabantay ang mga tao sa libingan.

[33]  Ang mga bugal ng libis ay mamabutihin niya, at lahat ng tao ay magsisisunod sa kaniya, gaya ng nauna sa kaniya na walang bilang.

[34]  Paano ngang inyong aaliwin ako ng walang kabuluhan, dangang sa inyong mga sagot ang naiiwan lamang ay kabulaanan?