[1] Bakit ang mga kapanahunan ay hindi itinakda ng Makapangyarihan sa lahat? At bakit hindi nangakakakita ng kaniyang mga araw ang nangakakakilala sa kaniya?
[2] May nagsisipagbago ng lindero; kanilang dinadalang may karahasan ang mga kawan, at pinasasabsab.
[3] Kanilang itinataboy ang asno ng ulila, kanilang kinukuha ang baka ng babaing bao na pinakasangla.
[4] Kanilang inililigaw sa daan ang mapagkailangan: ang mga dukha sa lupa ay nagsisikubling magkakasama.
[5] Narito, gaya ng mga mabangis na asno sa ilang, sila'y nagsisilabas sa kanilang gawa, na nagsisihanap na masikap ng pagkain; ang ilang ay siyang nagbibigay sa kanila ng pagkaing ukol sa kanilang mga anak.
[6] Kanilang pinitas sa bukid ang kanilang pagkain; at kanilang pinamumulutan ang ubasan ng masama.
[7] Sila'y hubad na nangahihiga buong gabi na walang suot. At walang kumot sa ginaw.
[8] Sila'y basa ng ulan sa mga bundok, at niyayakap ang bato sa pagkakailangan ng kulungan.
[9] May nagsisiagaw ng ulila mula sa suso, at nagsisikuha ng sangla ng dukha:
[10] Na anopa't sila'y yumayaong hubad na walang damit, at palibhasa'y gutom ay kanilang dinadala ang mga bigkis;
[11] Sila'y nagsisigawa ng langis sa loob ng olibohan ng mga taong ito; sila'y nagpipisa sa kanilang pisaan ng ubas, at nagtitiis ng uhaw.
[12] Mula sa makapal na bayan ay nagsisidaing ang mga tao, at ang kaluluwa ng may sugat ay humihiyaw; gayon ma'y hindi inaaring mangmang ng Dios.
[13] Ito'y sa mga nangaghihimagsik laban sa liwanag; Hindi nila nalalaman ang mga daan niyaon, ni tumatahan man sa mga landas niyaon.
[14] Ang mamamatay tao ay bumabangon pagliliwanag, pinapatay niya ang dukha at mapagkailangan; at sa gabi ay gaya siya ng magnanakaw.
[15] Ang mata naman ng mapangalunya ay naghihintay ng pagtatakip-silim, na sinasabi, Walang matang makakakita sa akin: at nagiiba ng kaniyang mukha.
[16] Sa kadiliman ay nagsisihukay sila sa mga bahay: sila'y nagkukulong sa sarili kung araw; hindi nila nalalaman ang liwanag,
[17] Sapagka't ang umaga sa kanilang lahat ay parang salimuot na kadiliman, sapagka't kanilang nalalaman ang mga kakilabutan ng salimot na kadiliman.
[18] Siya'y matulin sa ibabaw ng tubig; ang kanilang bahagi ay sinumpa sa lupa: siya'y hindi babalik sa daan ng mga ubasan.
[19] Katuyuan at kainitan ay tumutunaw ng mga niebeng tubig: gaya ng Sheol ng mga nagkakasala.
[20] Kalilimutan siya ng bahay-bata: siya'y kakaning maigi ng uod; siya'y hindi na maaalaala pa: at ang kalikuan ay babaliing parang punong kahoy.
[21] Kaniyang sinasakmal ang baog na hindi nanganganak; at hindi gumagawa ng mabuti sa babaing bao.
[22] Inaagawan naman ng Dios ang may kaya sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan: siya'y bumabangon na walang katiwasayan sa buhay.
[23] Pinagkakalooban sila ng Dios na malagay sa katiwasayan, at sila'y nagpapahinga roon; at ang kaniyang mga mata ay nasa kanilang mga lakad.
[24] Sila'y nangataas, gayon ma'y isang sandali pa, at sila'y wala na. Oo, sila'y nangababa, sila'y nangaalis sa daan na gaya ng lahat ng mga iba, at nangaputol na gaya ng mga uhay.
[25] At kung hindi gayon ngayon, sinong magpapatotoo na ako'y sinungaling, at magwawala ng kabuluhan ng aking pananalita?