[1] Huwag kang mabalisa dahil sa mga manggagawa ng kasamaan, ni managhili ka man sa kanila na nagsisigawa ng kalikuan.
[2] Sapagka't sila'y madaling puputuling gaya ng damo, at matutuyong gaya ng sariwang damo.
[3] Tumiwala ka sa Panginoon, at gumawa ka ng mabuti; tumahan ka sa lupain, at gawin mong kumain sa kaniyang pagkatapat.
[4] Magpakaligaya ka naman sa Panginoon; at bibigyan ka niya ng nasa ng iyong puso.
[5] Ihabilin mo ang iyong lakad sa Panginoon; tumiwala ka rin naman sa kaniya, at kaniyang papangyayarihin.
[6] At kaniyang palalabasing gaya ng liwanag ang iyong katuwiran, at ang iyong kahatulan ay gaya ng katanghaliang tapat.
[7] Ikaw ay magpahinga sa Panginoon, at maghintay kang may pagtitiis sa kaniya: huwag kang mabalisa ng dahil sa kaniya na gumiginhawa sa kaniyang lakad, dahil sa lalake na nagpapangyari ng mga masamang katha.
[8] Maglikat ka ng pagkagalit, at bayaan mo ang poot: huwag kang mabalisa, iya'y maghahatid lamang sa paggawa ng kasamaan.
[9] Sapagka't ang mga manggagawa ng kasamaan ay mangahihiwalay: nguni't yaong nagsipaghintay sa Panginoon, ay mangagmamana sila ng lupain.
[10] Sapagka't sangdali na lamang, at ang masama ay mawawala na: Oo, iyong uusisaing mainam ang kaniyang dako, at siya'y mawawala na.
[11] Nguni't ang maamo ay magmamana ng lupain, at masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.
[12] Ang masama ay kumakatha laban sa ganap, at pinagngangalit sa kaniya ang kaniyang mga ngipin.
[13] Tatawanan siya ng Panginoon: sapagka't kaniyang nakikita na ang kaniyang kaarawan ay dumarating.
[14] Hinugot ng masama ang tabak, at inihanda ang kanilang busog: upang ilugmok ang dukha at mapagkailangan, upang patayin ang matuwid sa paglakad:
[15] Ang kanilang tabak ay masasaksak sa kanilang sariling puso, at ang kanilang busog ay mababali.
[16] Mainam ang kaunti na tinatangkilik ng matuwid, kay sa kasaganaan ng maraming masama.
[17] Sapagka't ang mga bisig ng masasama ay mangababali: nguni't inaalalayan ng Panginoon ang matuwid.
[18] Nalalaman ng Panginoon ang kaarawan ng sakdal: at ang kanilang mana ay magiging sa magpakailan man.
[19] Hindi sila mangapapahiya sa panahon ng kasamaan: at sa mga kaarawan ng kagutom ay mangabubusog sila.
[20] Nguni't ang masama ay mamamatay, at ang mga kaaway ng Panginoon ay magiging gaya ng taba ng mga kordero: sila'y mangapupugnaw: sa usok mangapupugnaw sila.
[21] Ang masama ay humihiram, at hindi nagsasauli: nguni't ang matuwid ay nahahabag, at nagbibigay.
[22] Sapagka't ang mga gayong pinagpala ng Panginoon ay mangagmamana ng lupain; at silang sinumpa niya ay mahihiwalay.
[23] Ang lakad ng tao ay itinatag ng Panginoon; at siya'y nasasayahan sa kaniyang lakad.
[24] Bagaman siya'y mabuwal, hindi siya lubos na mapapahiga: Sapagka't inaalalayan siya ng Panginoon ng kaniyang kamay.
[25] Ako'y naging bata, at ngayo'y matanda; gayon ma'y hindi ko nakita ang matuwid na pinabayaan, ni ang kaniyang lahi man ay nagpapalimos ng tinapay.
[26] Lahat ng araw ay nahahabag, at nagpapahiram; at ang kaniyang lahi ay pinagpapala.
[27] Ikaw ay humiwalay sa kasamaan, at gumawa ka ng mabuti; at manahan ka magpakailan man.
[28] Sapagka't iniibig ng Panginoon ang kahatulan, at hindi pinababayaan ang kaniyang mga banal; sila'y iniingatan magpakailan man: nguni't ang lahi ng masama ay mahihiwalay.
[29] Mamanahin ng matuwid ang lupain, at tatahan doon magpakailan man.
[30] Ang bibig ng matuwid ay nangungusap ng karunungan, at ang kaniyang dila ay nagsasalita ng kahatulan.
[31] Ang kautusan ng kaniyang Dios ay nasa kaniyang puso, walang madudulas sa kaniyang mga hakbang.
[32] Inaabatan ng masama ang matuwid, at pinagsisikapang patayin niya siya.
[33] Hindi siya iiwan ng Panginoon sa kaniyang kamay, ni parurusahan man siya pagka siya'y nahatulan.
[34] Hintayin mo ang Panginoon, at ingatan mo ang kaniyang daan, at ibubunyi ka upang manahin mo ang lupain: pagka nahiwalay ang masama, iyong makikita.
[35] Aking nakita ang masama sa malaking kapangyarihan, at lumalaganap na gaya ng sariwang punong kahoy sa kaniyang lupang tinubuan.
[36] Nguni't may dumaan at, narito, wala na siya: Oo, hinanap ko siya, nguni't hindi siya masumpungan.
[37] Tandaan mo ang sakdal na tao, at masdan mo ang matuwid: sapagka't may isang maligayang wakas sa taong may kapayapaan.
[38] Tungkol sa mga mananalangsang, mangalilipol silang magkakasama: ang huling wakas ng masama ay mahihiwalay.
[39] Nguni't ang kaligtasan ng matuwid ay sa Panginoon: siya'y ang kanilang kuta sa panahon ng kabagabagan.
[40] At sila'y tinutulungan ng Panginoon, at sinasagip sila: sinasagip niya sila sa masama, at inililigtas sila. Sapagka't sila'y nagsipagkanlong sa kaniya.