Psalms - Chapter 37 Ch. 37 - Psalms

compare translations

[1]  Huwag kang mabalisa dahil sa mga manggagawa ng kasamaan, ni managhili ka man sa kanila na nagsisigawa ng kalikuan.

[2]  Sapagka't sila'y madaling puputuling gaya ng damo, at matutuyong gaya ng sariwang damo.

[3]  Tumiwala ka sa Panginoon, at gumawa ka ng mabuti; tumahan ka sa lupain, at gawin mong kumain sa kaniyang pagkatapat.

[4]  Magpakaligaya ka naman sa Panginoon; at bibigyan ka niya ng nasa ng iyong puso.

[5]  Ihabilin mo ang iyong lakad sa Panginoon; tumiwala ka rin naman sa kaniya, at kaniyang papangyayarihin.

[6]  At kaniyang palalabasing gaya ng liwanag ang iyong katuwiran, at ang iyong kahatulan ay gaya ng katanghaliang tapat.

[7]  Ikaw ay magpahinga sa Panginoon, at maghintay kang may pagtitiis sa kaniya: huwag kang mabalisa ng dahil sa kaniya na gumiginhawa sa kaniyang lakad, dahil sa lalake na nagpapangyari ng mga masamang katha.

[8]  Maglikat ka ng pagkagalit, at bayaan mo ang poot: huwag kang mabalisa, iya'y maghahatid lamang sa paggawa ng kasamaan.

[9]  Sapagka't ang mga manggagawa ng kasamaan ay mangahihiwalay: nguni't yaong nagsipaghintay sa Panginoon, ay mangagmamana sila ng lupain.

[10]  Sapagka't sangdali na lamang, at ang masama ay mawawala na: Oo, iyong uusisaing mainam ang kaniyang dako, at siya'y mawawala na.

[11]  Nguni't ang maamo ay magmamana ng lupain, at masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.

[12]  Ang masama ay kumakatha laban sa ganap, at pinagngangalit sa kaniya ang kaniyang mga ngipin.

[13]  Tatawanan siya ng Panginoon: sapagka't kaniyang nakikita na ang kaniyang kaarawan ay dumarating.

[14]  Hinugot ng masama ang tabak, at inihanda ang kanilang busog: upang ilugmok ang dukha at mapagkailangan, upang patayin ang matuwid sa paglakad:

[15]  Ang kanilang tabak ay masasaksak sa kanilang sariling puso, at ang kanilang busog ay mababali.

[16]  Mainam ang kaunti na tinatangkilik ng matuwid, kay sa kasaganaan ng maraming masama.

[17]  Sapagka't ang mga bisig ng masasama ay mangababali: nguni't inaalalayan ng Panginoon ang matuwid.

[18]  Nalalaman ng Panginoon ang kaarawan ng sakdal: at ang kanilang mana ay magiging sa magpakailan man.

[19]  Hindi sila mangapapahiya sa panahon ng kasamaan: at sa mga kaarawan ng kagutom ay mangabubusog sila.

[20]  Nguni't ang masama ay mamamatay, at ang mga kaaway ng Panginoon ay magiging gaya ng taba ng mga kordero: sila'y mangapupugnaw: sa usok mangapupugnaw sila.

[21]  Ang masama ay humihiram, at hindi nagsasauli: nguni't ang matuwid ay nahahabag, at nagbibigay.

[22]  Sapagka't ang mga gayong pinagpala ng Panginoon ay mangagmamana ng lupain; at silang sinumpa niya ay mahihiwalay.

[23]  Ang lakad ng tao ay itinatag ng Panginoon; at siya'y nasasayahan sa kaniyang lakad.

[24]  Bagaman siya'y mabuwal, hindi siya lubos na mapapahiga: Sapagka't inaalalayan siya ng Panginoon ng kaniyang kamay.

[25]  Ako'y naging bata, at ngayo'y matanda; gayon ma'y hindi ko nakita ang matuwid na pinabayaan, ni ang kaniyang lahi man ay nagpapalimos ng tinapay.

[26]  Lahat ng araw ay nahahabag, at nagpapahiram; at ang kaniyang lahi ay pinagpapala.

[27]  Ikaw ay humiwalay sa kasamaan, at gumawa ka ng mabuti; at manahan ka magpakailan man.

[28]  Sapagka't iniibig ng Panginoon ang kahatulan, at hindi pinababayaan ang kaniyang mga banal; sila'y iniingatan magpakailan man: nguni't ang lahi ng masama ay mahihiwalay.

[29]  Mamanahin ng matuwid ang lupain, at tatahan doon magpakailan man.

[30]  Ang bibig ng matuwid ay nangungusap ng karunungan, at ang kaniyang dila ay nagsasalita ng kahatulan.

[31]  Ang kautusan ng kaniyang Dios ay nasa kaniyang puso, walang madudulas sa kaniyang mga hakbang.

[32]  Inaabatan ng masama ang matuwid, at pinagsisikapang patayin niya siya.

[33]  Hindi siya iiwan ng Panginoon sa kaniyang kamay, ni parurusahan man siya pagka siya'y nahatulan.

[34]  Hintayin mo ang Panginoon, at ingatan mo ang kaniyang daan, at ibubunyi ka upang manahin mo ang lupain: pagka nahiwalay ang masama, iyong makikita.

[35]  Aking nakita ang masama sa malaking kapangyarihan, at lumalaganap na gaya ng sariwang punong kahoy sa kaniyang lupang tinubuan.

[36]  Nguni't may dumaan at, narito, wala na siya: Oo, hinanap ko siya, nguni't hindi siya masumpungan.

[37]  Tandaan mo ang sakdal na tao, at masdan mo ang matuwid: sapagka't may isang maligayang wakas sa taong may kapayapaan.

[38]  Tungkol sa mga mananalangsang, mangalilipol silang magkakasama: ang huling wakas ng masama ay mahihiwalay.

[39]  Nguni't ang kaligtasan ng matuwid ay sa Panginoon: siya'y ang kanilang kuta sa panahon ng kabagabagan.

[40]  At sila'y tinutulungan ng Panginoon, at sinasagip sila: sinasagip niya sila sa masama, at inililigtas sila. Sapagka't sila'y nagsipagkanlong sa kaniya.