[1] Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
[2] Magsabi ngayon ang Israel, na ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
[3] Magsabi ngayon ang sangbahayan ni Aaron, na ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
[4] Mangagsabi ngayon ang nangatatakot sa Panginoon, na ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
[5] Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon: sinagot ako ng Panginoon, at inilagay ako sa maluwag na dako.
[6] Ang Panginoon ay kakampi ko; hindi ako matatakot: anong magagawa ng tao sa akin?
[7] Ang Panginoon ay kakampi ko sa gitna nila na nagsisitulong sa akin: kaya't makikita ko ang nasa ko sa kanila na nangagtatanim sa akin.
[8] Lalong mabuti ang manganlong sa Panginoon kay sa maglagak ng tiwala sa tao.
[9] Lalong mabuti ang manganlong sa Panginoon kay sa maglagak ng tiwala sa mga pangulo.
[10] Kinubkob ako ng lahat ng mga bansa sa palibot: sa pangalan ng Panginoon ay aking ihihiwalay sila.
[11] Kanilang kinubkob ako sa palibot; oo, kanilang kinubkob ako sa palibot: sa pangalan ng Panginoon ay aking ihihiwalay sila.
[12] Kanilang kinubkob ako sa palibot na parang mga pukyutan: sila'y nangamatay na parang apoy ng mga dawag: sa pangalan ng Panginoon ay aking ihihiwalay sila.
[13] Itinulak mo akong bigla upang ako'y mabuwal: nguni't tulungan ako ng Panginoon.
[14] Ang Panginoon ay aking kalakasan at awit; at siya'y naging aking kaligtasan.
[15] Ang tinig ng kagalakan at kaligtasan ay nasa mga tolda ng matuwid: ang kanan ng Panginoon ay gumagawang matapang.
[16] Ang kanan ng Panginoon ay nabunyi; ang kanan ng Panginoon ay gumagawang matapang.
[17] Hindi ako mamamatay, kundi mabubuhay, at magpapahayag ng mga gawa ng Panginoon.
[18] Pinarusahan akong mainam ng Panginoon; nguni't hindi niya ako ibinigay sa kamatayan.
[19] Buksan ninyo sa akin ang mga pintuan ng katuwiran; aking papasukan, ako'y magpapasalamat sa Panginoon.
[20] Ito'y siyang pintuan ng Panginoon; papasukan ng matuwid.
[21] Ako'y magpapasalamat sa iyo, sapagka't sinagot mo ako! At ikaw ay naging aking kaligtasan.
[22] Ang bato na itinakuwil ng nangagtayo ng bahay ay naging pangulo sa sulok.
[23] Ito ang gawa ng Panginoon: kagilagilalas sa harap ng ating mga mata.
[24] Ito ang araw na ginawa ng Panginoon; tayo'y mangagagalak at ating katutuwaan.
[25] Magligtas ka ngayon, isinasamo namin sa iyo, Oh Panginoon: Oh Panginoon, isinasamo namin sa iyo, magsugo ka ngayon ng kaginhawahan.
[26] Mapalad siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon: aming pinuri kayo mula sa bahay ng Panginoon.
[27] Ang Panginoon ay Dios, at binigyan niya kami ng liwanag; talian ninyo ang hain ng mga panali, sa makatuwid baga'y sa mga tila sungay ng dambana.
[28] Ikaw ay aking Dios, at magpapasalamat ako sa iyo: ikaw ay aking Dios, aking ibubunyi ka.
[29] Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon, sapagka't siya'y mabuti: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.