Psalmen - Kapitel 118 Kap. 118 - Psalmen

Übersetzungen vergleichen

[1]  Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

[2]  Magsabi ngayon ang Israel, na ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

[3]  Magsabi ngayon ang sangbahayan ni Aaron, na ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

[4]  Mangagsabi ngayon ang nangatatakot sa Panginoon, na ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

[5]  Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon: sinagot ako ng Panginoon, at inilagay ako sa maluwag na dako.

[6]  Ang Panginoon ay kakampi ko; hindi ako matatakot: anong magagawa ng tao sa akin?

[7]  Ang Panginoon ay kakampi ko sa gitna nila na nagsisitulong sa akin: kaya't makikita ko ang nasa ko sa kanila na nangagtatanim sa akin.

[8]  Lalong mabuti ang manganlong sa Panginoon kay sa maglagak ng tiwala sa tao.

[9]  Lalong mabuti ang manganlong sa Panginoon kay sa maglagak ng tiwala sa mga pangulo.

[10]  Kinubkob ako ng lahat ng mga bansa sa palibot: sa pangalan ng Panginoon ay aking ihihiwalay sila.

[11]  Kanilang kinubkob ako sa palibot; oo, kanilang kinubkob ako sa palibot: sa pangalan ng Panginoon ay aking ihihiwalay sila.

[12]  Kanilang kinubkob ako sa palibot na parang mga pukyutan: sila'y nangamatay na parang apoy ng mga dawag: sa pangalan ng Panginoon ay aking ihihiwalay sila.

[13]  Itinulak mo akong bigla upang ako'y mabuwal: nguni't tulungan ako ng Panginoon.

[14]  Ang Panginoon ay aking kalakasan at awit; at siya'y naging aking kaligtasan.

[15]  Ang tinig ng kagalakan at kaligtasan ay nasa mga tolda ng matuwid: ang kanan ng Panginoon ay gumagawang matapang.

[16]  Ang kanan ng Panginoon ay nabunyi; ang kanan ng Panginoon ay gumagawang matapang.

[17]  Hindi ako mamamatay, kundi mabubuhay, at magpapahayag ng mga gawa ng Panginoon.

[18]  Pinarusahan akong mainam ng Panginoon; nguni't hindi niya ako ibinigay sa kamatayan.

[19]  Buksan ninyo sa akin ang mga pintuan ng katuwiran; aking papasukan, ako'y magpapasalamat sa Panginoon.

[20]  Ito'y siyang pintuan ng Panginoon; papasukan ng matuwid.

[21]  Ako'y magpapasalamat sa iyo, sapagka't sinagot mo ako! At ikaw ay naging aking kaligtasan.

[22]  Ang bato na itinakuwil ng nangagtayo ng bahay ay naging pangulo sa sulok.

[23]  Ito ang gawa ng Panginoon: kagilagilalas sa harap ng ating mga mata.

[24]  Ito ang araw na ginawa ng Panginoon; tayo'y mangagagalak at ating katutuwaan.

[25]  Magligtas ka ngayon, isinasamo namin sa iyo, Oh Panginoon: Oh Panginoon, isinasamo namin sa iyo, magsugo ka ngayon ng kaginhawahan.

[26]  Mapalad siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon: aming pinuri kayo mula sa bahay ng Panginoon.

[27]  Ang Panginoon ay Dios, at binigyan niya kami ng liwanag; talian ninyo ang hain ng mga panali, sa makatuwid baga'y sa mga tila sungay ng dambana.

[28]  Ikaw ay aking Dios, at magpapasalamat ako sa iyo: ikaw ay aking Dios, aking ibubunyi ka.

[29]  Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon, sapagka't siya'y mabuti: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.