Ratapan - Pasal 3 Pasal. 3 - Ratapan

bandingkan terjemahan

[1]  Ako ang tao na nakakita ng pagdadalamhati sa pamalo ng iyong poot.

[2]  Ako'y kaniyang pinatnubayan at pinalakad sa kadiliman, at hindi sa liwanag.

[3]  Tunay na laban sa akin ay kaniyang iginagalaw ang kaniyang kamay na muli't muli buong araw.

[4]  Ang aking laman at aking balat ay pinatanda niya; kaniyang binali ang aking mga buto.

[5]  Ako'y kinalaban niya, at kinulong ako ng hirap at pagdaramdam.

[6]  Kaniyang pinatahan ako sa mga madilim na dako, gaya ng nangamatay nang malaon.

[7]  Kaniyang binakuran ako na anopa't ako'y hindi makalabas; kaniyang pinabigat ang aking tanikala.

[8]  Oo, pagka ako'y dumadaing, at humihinging tulong, kaniyang pinagsasarhan ang aking daing.

[9]  Kaniyang binakuran ang aking mga daan ng tinabas na bato, kaniyang iniliko ang aking mga landas.

[10]  Siya'y parang oso na nagaabang sa akin, parang leon sa mga kubling dako.

[11]  Kaniyang iniligaw ang aking mga lakad, at ako'y pinagwaraywaray niya; kaniyang ipinahamak ako;

[12]  Kaniyang iniakma ang kaniyang busog, at ginawa akong pinaka tanda sa pana.

[13]  Ang mga pana ng kaniyang lalagyan ng pana ay kaniyang isinasaksak sa aking mga bato ng katawan.

[14]  Ako'y naging kakutyaan sa aking buong bayan, at kanilang awit buong araw.

[15]  Kaniyang pinuspos ako ng kapanglawan, kaniyang sinuya ako ng ajenjo.

[16]  Kaniya namang biningot ang aking mga ngipin ng mga maliliit na grava; kaniyang tinabunan ako ng mga abo.

[17]  At iyong inilayo ang aking kaluluwa sa kapayapaan; ako'y nakalimot ng kaginhawahan.

[18]  At aking sinabi, Ang lakas ko'y nawala, at ang aking pagasa sa Panginoon.

[19]  Alalahanin mo ang aking pagdadalamhati at ang aking karalitaan, ang ajenjo at ng apdo.

[20]  Ang kaluluwa ko'y naaalaala pa nila, at napangumbaba sa loob ko.

[21]  Ito ang ginugunita ko sa aking pagiisip; kaya't may pagasa ako.

[22]  Sa mga kaawaan nga ng Panginoon ay hindi tayo nalipol, sapagka't ang kaniyang mga habag ay hindi nauubos.

[23]  Ang mga yao'y bago tuwing umaga, dakila ang inyong pagtatapat.

[24]  Ang Panginoon ay aking bahagi, sabi ng aking kaluluwa; kaya't ako'y aasa sa kaniya.

[25]  Ang Panginoon ay mabuti sa kanila na nangaghihintay sa kaniya, sa kaluluwa na humahanap sa kaniya.

[26]  Mabuti nga na ang tao ay umasa at maghintay na tahimik sa pagliligtas ng Panginoon.

[27]  Mabuti nga sa tao na magpasan ng pamatok sa kaniyang kabataan.

[28]  Maupo siyang magisa at tumahimik, sapagka't kaniyang iniatang sa kaniya.

[29]  Sumubsob siya sa alabok, kung gayo'y magkakaroon siya ng pagasa.

[30]  Ibigay niya ang kaniyang pisngi sa sumasakit sa kaniya; mapuspos siya ng kadustaan.

[31]  Sapagka't ang Panginoon ay hindi magtatakuwil magpakailan man.

[32]  Sapagka't bagaman siya'y nagpapapanglaw, gayon ma'y magpapakita siya ng habag ayon sa kasaganaan ng kaniyang mga kaawaan.

[33]  Sapagka't siya'y hindi kusang dumadalamhati, o nagpapapanglaw man sa mga anak ng mga tao.

[34]  Na yapakan sa ilalim ng paa ang lahat ng bihag sa lupa.

[35]  Na iliko ang matuwid ng tao sa harap ng mukha ng Kataastaasan,

[36]  Na iligaw ang tao sa kaniyang usap, hindi kinalulugdan ng Panginoon.

[37]  Sino siya na nagsasabi, at nangyayari, kung hindi iniuutos ng Panginoon?

[38]  Hindi baga sa bibig ng Kataastaasan nanggagaling ang masama't mabuti?

[39]  Bakit dumadaing ang taong may buhay, ang tao dahil sa parusa sa kaniyang mga kasalanan?

[40]  Ating usisain at suriin ang ating mga lakad, at manumbalik sa Panginoon.

[41]  Igawad natin ang ating puso sangpu ng ating mga kamay sa Dios sa langit.

[42]  Kami ay sumalangsang at nanghimagsik; ikaw ay hindi nagpatawad.

[43]  Tinakpan mo ang iyong sarili ng galit at hinabol mo kami; ikaw ay pumatay, ikaw ay hindi naawa.

[44]  Tinakpan mo ang iyong sarili ng alapaap, na anopa't hindi makadaan ang anomang panalangin.

[45]  Iyong ginawa kaming parang tapon at dumi sa gitna ng mga bayan.

[46]  Ibinukang maluwang ng lahat naming kaaway ang kanilang bibig laban sa amin.

[47]  Takot at ang hukay ay dumating sa amin, ang pagkasira at pagkagiba.

[48]  Ang mata ko'y dumadaloy ng mga ilog ng tubig, dahil sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan.

[49]  Ang mata ko'y dinadaluyan at hindi naglilikat, na walang pagitan.

[50]  Hanggang sa ang Panginoon ay tumungo, at tumingin mula sa langit.

[51]  Kinikilos ng aking mata ang aking kaluluwa, dahil sa lahat na anak na babae ng aking bayan.

[52]  Lubha nila akong hinahabol na parang ibon, na mga kaaway kong walang kadahilanan.

[53]  Kanilang pinaikli ang aking buhay sa bilangguan at hinagis ako ng bato.

[54]  Tubig ay nagsisihuho sa aking ulo; aking sinabi, Ako'y nahiwalay.

[55]  Ako'y tumawag sa iyong pangalan, Oh Panginoon, mula sa kababababaang hukay.

[56]  Iyong dininig ang aking tinig; huwag mong ikubli ang iyong pakinig sa aking hingal, sa aking daing.

[57]  Ikaw ay lumapit sa araw na ako'y tumawag sa iyo; iyong sinabi, Huwag kang matakot.

[58]  Oh Panginoon, iyong ipinagsanggalang ang mga usap ng aking kaluluwa; iyong tinubos ang aking buhay.

[59]  Oh Panginoon, iyong nakita ang aking pagkakamali; hatulan mo ang aking usap.

[60]  Iyong nakita ang lahat nilang panghihiganti, at ang lahat nilang pasiya laban sa akin.

[61]  Iyong narinig ang kanilang pagduwahagi, Oh Panginoon, at lahat nilang pasiya laban sa akin,

[62]  Ang mga labi ng nagsisibangon laban sa akin, at ang kanilang pasiya laban sa akin buong araw.

[63]  Masdan mo ang kanilang pagupo, at ang kanilang pagtayo; ako ang kanilang awit.

[64]  Ikaw ay magbibigay sa kanila ng kagantihan, Oh Panginoon, ayon sa gawa ng kanilang mga kamay.

[65]  Iyong papagmamatigasin ang kanilang puso, ang iyong sumpa sa kanila.

[66]  Iyong hahabulin sila sa galit, at iyong lilipulin sila mula sa silong ng langit ng Panginoon.