[1] Ako ang tao na nakakita ng pagdadalamhati sa pamalo ng iyong poot.
[2] Ako'y kaniyang pinatnubayan at pinalakad sa kadiliman, at hindi sa liwanag.
[3] Tunay na laban sa akin ay kaniyang iginagalaw ang kaniyang kamay na muli't muli buong araw.
[4] Ang aking laman at aking balat ay pinatanda niya; kaniyang binali ang aking mga buto.
[5] Ako'y kinalaban niya, at kinulong ako ng hirap at pagdaramdam.
[6] Kaniyang pinatahan ako sa mga madilim na dako, gaya ng nangamatay nang malaon.
[7] Kaniyang binakuran ako na anopa't ako'y hindi makalabas; kaniyang pinabigat ang aking tanikala.
[8] Oo, pagka ako'y dumadaing, at humihinging tulong, kaniyang pinagsasarhan ang aking daing.
[9] Kaniyang binakuran ang aking mga daan ng tinabas na bato, kaniyang iniliko ang aking mga landas.
[10] Siya'y parang oso na nagaabang sa akin, parang leon sa mga kubling dako.
[11] Kaniyang iniligaw ang aking mga lakad, at ako'y pinagwaraywaray niya; kaniyang ipinahamak ako;
[12] Kaniyang iniakma ang kaniyang busog, at ginawa akong pinaka tanda sa pana.
[13] Ang mga pana ng kaniyang lalagyan ng pana ay kaniyang isinasaksak sa aking mga bato ng katawan.
[14] Ako'y naging kakutyaan sa aking buong bayan, at kanilang awit buong araw.
[15] Kaniyang pinuspos ako ng kapanglawan, kaniyang sinuya ako ng ajenjo.
[16] Kaniya namang biningot ang aking mga ngipin ng mga maliliit na grava; kaniyang tinabunan ako ng mga abo.
[17] At iyong inilayo ang aking kaluluwa sa kapayapaan; ako'y nakalimot ng kaginhawahan.
[18] At aking sinabi, Ang lakas ko'y nawala, at ang aking pagasa sa Panginoon.
[19] Alalahanin mo ang aking pagdadalamhati at ang aking karalitaan, ang ajenjo at ng apdo.
[20] Ang kaluluwa ko'y naaalaala pa nila, at napangumbaba sa loob ko.
[21] Ito ang ginugunita ko sa aking pagiisip; kaya't may pagasa ako.
[22] Sa mga kaawaan nga ng Panginoon ay hindi tayo nalipol, sapagka't ang kaniyang mga habag ay hindi nauubos.
[23] Ang mga yao'y bago tuwing umaga, dakila ang inyong pagtatapat.
[24] Ang Panginoon ay aking bahagi, sabi ng aking kaluluwa; kaya't ako'y aasa sa kaniya.
[25] Ang Panginoon ay mabuti sa kanila na nangaghihintay sa kaniya, sa kaluluwa na humahanap sa kaniya.
[26] Mabuti nga na ang tao ay umasa at maghintay na tahimik sa pagliligtas ng Panginoon.
[27] Mabuti nga sa tao na magpasan ng pamatok sa kaniyang kabataan.
[28] Maupo siyang magisa at tumahimik, sapagka't kaniyang iniatang sa kaniya.
[29] Sumubsob siya sa alabok, kung gayo'y magkakaroon siya ng pagasa.
[30] Ibigay niya ang kaniyang pisngi sa sumasakit sa kaniya; mapuspos siya ng kadustaan.
[31] Sapagka't ang Panginoon ay hindi magtatakuwil magpakailan man.
[32] Sapagka't bagaman siya'y nagpapapanglaw, gayon ma'y magpapakita siya ng habag ayon sa kasaganaan ng kaniyang mga kaawaan.
[33] Sapagka't siya'y hindi kusang dumadalamhati, o nagpapapanglaw man sa mga anak ng mga tao.
[34] Na yapakan sa ilalim ng paa ang lahat ng bihag sa lupa.
[35] Na iliko ang matuwid ng tao sa harap ng mukha ng Kataastaasan,
[36] Na iligaw ang tao sa kaniyang usap, hindi kinalulugdan ng Panginoon.
[37] Sino siya na nagsasabi, at nangyayari, kung hindi iniuutos ng Panginoon?
[38] Hindi baga sa bibig ng Kataastaasan nanggagaling ang masama't mabuti?
[39] Bakit dumadaing ang taong may buhay, ang tao dahil sa parusa sa kaniyang mga kasalanan?
[40] Ating usisain at suriin ang ating mga lakad, at manumbalik sa Panginoon.
[41] Igawad natin ang ating puso sangpu ng ating mga kamay sa Dios sa langit.
[42] Kami ay sumalangsang at nanghimagsik; ikaw ay hindi nagpatawad.
[43] Tinakpan mo ang iyong sarili ng galit at hinabol mo kami; ikaw ay pumatay, ikaw ay hindi naawa.
[44] Tinakpan mo ang iyong sarili ng alapaap, na anopa't hindi makadaan ang anomang panalangin.
[45] Iyong ginawa kaming parang tapon at dumi sa gitna ng mga bayan.
[46] Ibinukang maluwang ng lahat naming kaaway ang kanilang bibig laban sa amin.
[47] Takot at ang hukay ay dumating sa amin, ang pagkasira at pagkagiba.
[48] Ang mata ko'y dumadaloy ng mga ilog ng tubig, dahil sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan.
[49] Ang mata ko'y dinadaluyan at hindi naglilikat, na walang pagitan.
[50] Hanggang sa ang Panginoon ay tumungo, at tumingin mula sa langit.
[51] Kinikilos ng aking mata ang aking kaluluwa, dahil sa lahat na anak na babae ng aking bayan.
[52] Lubha nila akong hinahabol na parang ibon, na mga kaaway kong walang kadahilanan.
[53] Kanilang pinaikli ang aking buhay sa bilangguan at hinagis ako ng bato.
[54] Tubig ay nagsisihuho sa aking ulo; aking sinabi, Ako'y nahiwalay.
[55] Ako'y tumawag sa iyong pangalan, Oh Panginoon, mula sa kababababaang hukay.
[56] Iyong dininig ang aking tinig; huwag mong ikubli ang iyong pakinig sa aking hingal, sa aking daing.
[57] Ikaw ay lumapit sa araw na ako'y tumawag sa iyo; iyong sinabi, Huwag kang matakot.
[58] Oh Panginoon, iyong ipinagsanggalang ang mga usap ng aking kaluluwa; iyong tinubos ang aking buhay.
[59] Oh Panginoon, iyong nakita ang aking pagkakamali; hatulan mo ang aking usap.
[60] Iyong nakita ang lahat nilang panghihiganti, at ang lahat nilang pasiya laban sa akin.
[61] Iyong narinig ang kanilang pagduwahagi, Oh Panginoon, at lahat nilang pasiya laban sa akin,
[62] Ang mga labi ng nagsisibangon laban sa akin, at ang kanilang pasiya laban sa akin buong araw.
[63] Masdan mo ang kanilang pagupo, at ang kanilang pagtayo; ako ang kanilang awit.
[64] Ikaw ay magbibigay sa kanila ng kagantihan, Oh Panginoon, ayon sa gawa ng kanilang mga kamay.
[65] Iyong papagmamatigasin ang kanilang puso, ang iyong sumpa sa kanila.
[66] Iyong hahabulin sila sa galit, at iyong lilipulin sila mula sa silong ng langit ng Panginoon.