[1] Tunay na may mina na mayroong pilak, at dako na ukol sa ginto na kanilang pinagdadalisayan.
[2] Bakal ay hinuhukay sa lupa, at tanso ay binububo mula sa bato.
[3] Ang tao'y naglalagay ng wakas sa kadiliman, at sumisiyasat hanggang sa kalayulayuang hangganan ng mga bato ng kadiliman at salimuot na kadiliman.
[4] Siya'y humuhukay ng malayo sa tinatahanan ng mga tao: nililimot ng paa na dumadaan nagbibitin doong malayo sa mga tao, sila'y umuugoy na paroo't parito.
[5] Tungkol sa lupa, mula rito'y nanggagaling ang tinapay: at sa ilalim ay wari tinutuklap ng apoy.
[6] Ang mga bato nito'y kinaroroonan ng mga zafiro. At ito'y may alabok na ginto.
[7] Yaong landas na walang ibong mangdadagit ay nakakaalam. Ni nakita man ng mata ng falkon:
[8] Hindi natungtungan ng mga palalong hayop, ni naraanan man ng mabangis na leon,
[9] Kaniyang inilalabas ang kaniyang kamay sa batong pingkian; binabaligtad ng mga ugat ang mga bundok.
[10] Siya'y nagbabangbang sa gitna ng mga bato; at ang kaniyang mata ay nakakakita ng bawa't mahalagang bagay.
[11] Kaniyang tinatalian ang mga lagaslas upang huwag umagos; at ang bagay na nakukubli ay inililitaw niya sa liwanag.
[12] Nguni't saan masusumpungan ang karunungan? At saan naroon ang dako ng pagkaunawa?
[13] Hindi nalalaman ng tao ang halaga niyaon; ni nasusumpungan man sa lupain ng may buhay.
[14] Sinasabi ng kalaliman. Wala sa akin: at sinasabi ng dagat: Hindi sumasaakin.
[15] Hindi mabibili ng ginto, ni matitimbangan man ng pilak ang halaga niyaon.
[16] Hindi mahahalagahan ng ginto sa Ophir, ng mahalagang onix, o ng zafiro.
[17] Ginto at salamin ay hindi maihahalintulad doon: ni maipagpapalit man sa mga hiyas na dalisay na ginto.
[18] Hindi mabibilang ang coral o ang cristal; Oo, ang halaga ng karunungan ay higit sa mga rubi.
[19] Ang topacio sa Etiopia ay hindi maipapantay doon, ni mahahalagahan man ng dalisay na ginto.
[20] Saan nanggagaling nga ang karunungan? At saan naroon ang dako ng pagkaunawa?
[21] Palibhasa't nakukubli sa mga mata ng lahat na may buhay, at natatago sa mga ibon sa himpapawid.
[22] Ang kapahamakan at ang kamatayan ay nagsasabi, narinig namin ng aming mga pakinig ang bulungbulungan niyaon.
[23] Nauunawa ng Dios ang daan niyaon, at nalalaman niya ang dako niyaon.
[24] Sapagka't tumitingin siya hanggang sa mga wakas ng lupa, at nakikita ang silong ng buong langit;
[25] Upang bigyan ng timbang ang hangin; Oo, kaniyang tinatakal ang tubig sa takalan.
[26] Nang siya'y gumawa ng pasiya sa ulan, at ng daan sa kidlat ng kulog:
[27] Nang magkagayo'y nakita niya ito, at inihayag; kaniyang itinatag ito, oo, at siniyasat.
[28] At sa tao ay sinabi niya, Narito, ang pagkatakot sa Dios ay siyang karunungan; at ang paghiwalay sa kasamaan ay pagkaunawa.