Ijob - Kapitel 28 Kap. 28 - Ijob

Übersetzungen vergleichen

[1]  Tunay na may mina na mayroong pilak, at dako na ukol sa ginto na kanilang pinagdadalisayan.

[2]  Bakal ay hinuhukay sa lupa, at tanso ay binububo mula sa bato.

[3]  Ang tao'y naglalagay ng wakas sa kadiliman, at sumisiyasat hanggang sa kalayulayuang hangganan ng mga bato ng kadiliman at salimuot na kadiliman.

[4]  Siya'y humuhukay ng malayo sa tinatahanan ng mga tao: nililimot ng paa na dumadaan nagbibitin doong malayo sa mga tao, sila'y umuugoy na paroo't parito.

[5]  Tungkol sa lupa, mula rito'y nanggagaling ang tinapay: at sa ilalim ay wari tinutuklap ng apoy.

[6]  Ang mga bato nito'y kinaroroonan ng mga zafiro. At ito'y may alabok na ginto.

[7]  Yaong landas na walang ibong mangdadagit ay nakakaalam. Ni nakita man ng mata ng falkon:

[8]  Hindi natungtungan ng mga palalong hayop, ni naraanan man ng mabangis na leon,

[9]  Kaniyang inilalabas ang kaniyang kamay sa batong pingkian; binabaligtad ng mga ugat ang mga bundok.

[10]  Siya'y nagbabangbang sa gitna ng mga bato; at ang kaniyang mata ay nakakakita ng bawa't mahalagang bagay.

[11]  Kaniyang tinatalian ang mga lagaslas upang huwag umagos; at ang bagay na nakukubli ay inililitaw niya sa liwanag.

[12]  Nguni't saan masusumpungan ang karunungan? At saan naroon ang dako ng pagkaunawa?

[13]  Hindi nalalaman ng tao ang halaga niyaon; ni nasusumpungan man sa lupain ng may buhay.

[14]  Sinasabi ng kalaliman. Wala sa akin: at sinasabi ng dagat: Hindi sumasaakin.

[15]  Hindi mabibili ng ginto, ni matitimbangan man ng pilak ang halaga niyaon.

[16]  Hindi mahahalagahan ng ginto sa Ophir, ng mahalagang onix, o ng zafiro.

[17]  Ginto at salamin ay hindi maihahalintulad doon: ni maipagpapalit man sa mga hiyas na dalisay na ginto.

[18]  Hindi mabibilang ang coral o ang cristal; Oo, ang halaga ng karunungan ay higit sa mga rubi.

[19]  Ang topacio sa Etiopia ay hindi maipapantay doon, ni mahahalagahan man ng dalisay na ginto.

[20]  Saan nanggagaling nga ang karunungan? At saan naroon ang dako ng pagkaunawa?

[21]  Palibhasa't nakukubli sa mga mata ng lahat na may buhay, at natatago sa mga ibon sa himpapawid.

[22]  Ang kapahamakan at ang kamatayan ay nagsasabi, narinig namin ng aming mga pakinig ang bulungbulungan niyaon.

[23]  Nauunawa ng Dios ang daan niyaon, at nalalaman niya ang dako niyaon.

[24]  Sapagka't tumitingin siya hanggang sa mga wakas ng lupa, at nakikita ang silong ng buong langit;

[25]  Upang bigyan ng timbang ang hangin; Oo, kaniyang tinatakal ang tubig sa takalan.

[26]  Nang siya'y gumawa ng pasiya sa ulan, at ng daan sa kidlat ng kulog:

[27]  Nang magkagayo'y nakita niya ito, at inihayag; kaniyang itinatag ito, oo, at siniyasat.

[28]  At sa tao ay sinabi niya, Narito, ang pagkatakot sa Dios ay siyang karunungan; at ang paghiwalay sa kasamaan ay pagkaunawa.