Ayub - Pasal 15 Pasal. 15 - Ayub

bandingkan terjemahan

[1]  Nang magkagayo'y sumagot si Eliphaz na Temanita, at nagsabi,

[2]  Sasagot ba ang isang pantas ng walang kabuluhang kaalaman, at pupunuin ang kaniyang tiyan ng hanging silanganan?

[3]  Makikipagmatuwiranan ba siya ng walang kapakinabangang pangungusap, o ng mga salita na hindi niya ikagagawa ng mabuti?

[4]  Oo, ikaw ay nagaalis ng katakutan, at iyong pinipigil ang dalangin sa harap ng Dios.

[5]  Sapagka't ang iyong kasamaan ang nagtuturo sa iyong bibig, at iyong pinipili ang dila ng mapagkatha.

[6]  Ang iyong sariling bibig ang humahatol laban sa iyo, at hindi ako; Oo, ang iyong sariling mga labi ay nagpapatotoo laban sa iyo.

[7]  Ikaw ba ang unang tao na ipinanganak? O nalabas ka bang una kay sa mga burol?

[8]  Iyo bang narinig ang lihim na payo ng Dios? At ikaw ba'y nagpigil ng karunungan sa iyong sarili?

[9]  Anong nalalaman mo na di namin nalalaman? Anong nauunawa mo na wala sa amin?

[10]  Kasama namin ay mga ulong may uban, at mga totoong napakatandang tao, matandang makapupo kay sa iyong ama.

[11]  Ang mga pagaliw ba ng Dios ay totoong kaunti pa sa ganang iyo, sa makatuwid baga'y ang salitang napakabuti sa iyo?

[12]  Bakit ka napadadala sa iyong puso? At bakit kumikindat ang iyong mga mata?

[13]  Na tinatalikdan mo ng iyong diwa ang Dios, at binibigkas mo ang ganyang mga salita sa iyong bibig.

[14]  Ano ang tao upang maging malinis? At siyang ipinanganak ng babae, upang siya'y maging matuwid?

[15]  Narito, siya'y hindi naglalagak ng tiwala sa kaniyang mga banal; Oo, ang langit ay hindi malinis sa kaniyang paningin.

[16]  Gaano pa nga kaliit ang karumaldumal at hamak, ang taong umiinom ng kasamaan na parang tubig!

[17]  Ipakikilala ko sa iyo, dinggin mo ako; at ang aking nakita ay aking ipahahayag:

[18]  (Ang isinaysay ng mga pantas na mula sa kanilang mga magulang, at hindi inilingid;

[19]  Sa mga yaon lamang ibinigay ang lupain, at walang taga ibang lupa na dumaan sa gitna nila:)

[20]  Ang masamang tao ay nagdaramdam ng sakit lahat ng kaniyang araw, sa makatuwid baga'y ang bilang ng mga taon na itinakda sa mamimighati.

[21]  Ang hugong ng kakilabutan ay nasa kaniyang mga pakinig; sa kaginhawahan ay daratnan siya ng mga mananamsam:

[22]  Siya'y hindi naniniwala na babalik siya na mula sa kadiliman, at siya'y hinihintay ng tabak:

[23]  Siya'y gumagala dahil sa tinapay, na nagsasabi: Nasaan? Kaniyang nalalaman na ang araw ng kadiliman ay handa sa kaniyang kamay:

[24]  Kapanglawan at kadalamhatian ay tumatakot sa kaniya: nangananaig laban sa kaniya, na gaya ng isang hari na handa sa pakikipagbaka;

[25]  Sapagka't iniuunat niya ang kaniyang kamay laban sa Dios. At nagpapalalo laban sa Makapangyarihan sa lahat;

[26]  Tinatakbo niya siya na may mapagmatigas na leeg, sa kakapalan ng kaniyang mga kalasag;

[27]  Sapagka't tinakpan niya ang kaniyang mukha ng kaniyang katabaan at nagpangulubot ng kaniyang mga pigi;

[28]  At siya'y tumahan sa mga sirang bayan, sa mga bahay na walang taong tumatahan, na madaling magiging mga bunton.

[29]  Hindi siya yayaman, o mamamalagi man ang kaniyang pag-aari. Ni di lalawak sa lupa ang kaniyang mga tinatangkilik.

[30]  Siya'y hindi hihiwalay sa kadiliman; tutuyuin ng liyab ang kaniyang mga sanga, at sa pamamagitan ng hininga ng bibig ng Dios ay papanaw siya.

[31]  Huwag siyang tumiwala sa kalayawan na dayain ang sarili: sapagka't kalayawan ang magiging kagantihan sa kaniya.

[32]  Magaganap ito bago dumating ang kaniyang kapanahunan, at ang kaniyang sanga ay hindi mananariwa.

[33]  Lalagasin niya ang kaniyang mga hilaw na ubas na gaya ng puno ng ubas, at lalagasin ang kaniyang bulaklak na gaya ng olibo.

[34]  Sapagka't ang pulutong ng mga di banal ay hindi lalago, at susupukin ng apoy ang mga toldang suhulan.

[35]  Sila'y nag-iisip ng pagapi at naglalabas ng kasamaan, at ang kanilang kalooban ay naghahanda ng pagdaraya.