[1] Nang magkagayo'y sumagot si Eliphaz na Temanita, at nagsabi,
[2] Sasagot ba ang isang pantas ng walang kabuluhang kaalaman, at pupunuin ang kaniyang tiyan ng hanging silanganan?
[3] Makikipagmatuwiranan ba siya ng walang kapakinabangang pangungusap, o ng mga salita na hindi niya ikagagawa ng mabuti?
[4] Oo, ikaw ay nagaalis ng katakutan, at iyong pinipigil ang dalangin sa harap ng Dios.
[5] Sapagka't ang iyong kasamaan ang nagtuturo sa iyong bibig, at iyong pinipili ang dila ng mapagkatha.
[6] Ang iyong sariling bibig ang humahatol laban sa iyo, at hindi ako; Oo, ang iyong sariling mga labi ay nagpapatotoo laban sa iyo.
[7] Ikaw ba ang unang tao na ipinanganak? O nalabas ka bang una kay sa mga burol?
[8] Iyo bang narinig ang lihim na payo ng Dios? At ikaw ba'y nagpigil ng karunungan sa iyong sarili?
[9] Anong nalalaman mo na di namin nalalaman? Anong nauunawa mo na wala sa amin?
[10] Kasama namin ay mga ulong may uban, at mga totoong napakatandang tao, matandang makapupo kay sa iyong ama.
[11] Ang mga pagaliw ba ng Dios ay totoong kaunti pa sa ganang iyo, sa makatuwid baga'y ang salitang napakabuti sa iyo?
[12] Bakit ka napadadala sa iyong puso? At bakit kumikindat ang iyong mga mata?
[13] Na tinatalikdan mo ng iyong diwa ang Dios, at binibigkas mo ang ganyang mga salita sa iyong bibig.
[14] Ano ang tao upang maging malinis? At siyang ipinanganak ng babae, upang siya'y maging matuwid?
[15] Narito, siya'y hindi naglalagak ng tiwala sa kaniyang mga banal; Oo, ang langit ay hindi malinis sa kaniyang paningin.
[16] Gaano pa nga kaliit ang karumaldumal at hamak, ang taong umiinom ng kasamaan na parang tubig!
[17] Ipakikilala ko sa iyo, dinggin mo ako; at ang aking nakita ay aking ipahahayag:
[18] (Ang isinaysay ng mga pantas na mula sa kanilang mga magulang, at hindi inilingid;
[19] Sa mga yaon lamang ibinigay ang lupain, at walang taga ibang lupa na dumaan sa gitna nila:)
[20] Ang masamang tao ay nagdaramdam ng sakit lahat ng kaniyang araw, sa makatuwid baga'y ang bilang ng mga taon na itinakda sa mamimighati.
[21] Ang hugong ng kakilabutan ay nasa kaniyang mga pakinig; sa kaginhawahan ay daratnan siya ng mga mananamsam:
[22] Siya'y hindi naniniwala na babalik siya na mula sa kadiliman, at siya'y hinihintay ng tabak:
[23] Siya'y gumagala dahil sa tinapay, na nagsasabi: Nasaan? Kaniyang nalalaman na ang araw ng kadiliman ay handa sa kaniyang kamay:
[24] Kapanglawan at kadalamhatian ay tumatakot sa kaniya: nangananaig laban sa kaniya, na gaya ng isang hari na handa sa pakikipagbaka;
[25] Sapagka't iniuunat niya ang kaniyang kamay laban sa Dios. At nagpapalalo laban sa Makapangyarihan sa lahat;
[26] Tinatakbo niya siya na may mapagmatigas na leeg, sa kakapalan ng kaniyang mga kalasag;
[27] Sapagka't tinakpan niya ang kaniyang mukha ng kaniyang katabaan at nagpangulubot ng kaniyang mga pigi;
[28] At siya'y tumahan sa mga sirang bayan, sa mga bahay na walang taong tumatahan, na madaling magiging mga bunton.
[29] Hindi siya yayaman, o mamamalagi man ang kaniyang pag-aari. Ni di lalawak sa lupa ang kaniyang mga tinatangkilik.
[30] Siya'y hindi hihiwalay sa kadiliman; tutuyuin ng liyab ang kaniyang mga sanga, at sa pamamagitan ng hininga ng bibig ng Dios ay papanaw siya.
[31] Huwag siyang tumiwala sa kalayawan na dayain ang sarili: sapagka't kalayawan ang magiging kagantihan sa kaniya.
[32] Magaganap ito bago dumating ang kaniyang kapanahunan, at ang kaniyang sanga ay hindi mananariwa.
[33] Lalagasin niya ang kaniyang mga hilaw na ubas na gaya ng puno ng ubas, at lalagasin ang kaniyang bulaklak na gaya ng olibo.
[34] Sapagka't ang pulutong ng mga di banal ay hindi lalago, at susupukin ng apoy ang mga toldang suhulan.
[35] Sila'y nag-iisip ng pagapi at naglalabas ng kasamaan, at ang kanilang kalooban ay naghahanda ng pagdaraya.