Psalmen - Kapitel 92 Kap. 92 - Psalmen

Übersetzungen vergleichen

[1]  Isang mabuting bagay ang magpapasalamat sa Panginoon, at umawit ng mga pagpuri sa iyong pangalan, Oh Kataastaasan:

[2]  Upang magpakilala ng iyong kagandahang-loob sa umaga, at ng iyong pagtatapat gabigabi.

[3]  Na may panugtog na may sangpung kawad, at may salterio; na may dakilang tunog na alpa.

[4]  Sapagka't ikaw, Panginoon, iyong pinasaya ako sa iyong gawa: ako'y magtatagumpay sa mga gawa ng iyong mga kamay.

[5]  Kay dakila ng iyong mga gawa, Oh Panginoon! Ang iyong mga pagiisip ay totoong malalim.

[6]  Ang taong hangal ay hindi nakakaalam; ni nauunawa man ito ng mangmang.

[7]  Pagka ang masama ay lumilitaw na parang damo, at pagka gumiginhawa ang lahat na manggagawa ng kasamaan; ay upang mangalipol sila magpakailan man:

[8]  Nguni't ikaw, Oh Panginoon, ay mataas magpakailan man.

[9]  Sapagka't, narito, ang mga kaaway mo, Oh Panginoon, sapagka't, narito, ang mga kaaway mo'y malilipol; lahat ng mga manggagawa ng kasamaan ay mangangalat.

[10]  Nguni't ang sungay ko'y iyong pinataas na parang sungay ng mailap na toro: ako'y napahiran ng bagong langis.

[11]  Nakita naman ng aking mata ang nasa ko sa aking mga kaaway, narinig ng aking pakinig ang nasa ko sa mga manggagawa ng kasamaan na nagsisibangon laban sa akin.

[12]  Ang matuwid ay giginhawa na parang puno ng palma. Siya'y tutubo na parang cedro sa Libano.

[13]  Sila'y nangatatag sa bahay ng Panginoon; sila'y giginhawa sa mga looban ng aming Dios.

[14]  Sila'y mangagbubunga sa katandaan; sila'y mapupuspos ng katas at kasariwaan:

[15]  Upang ipakilala na ang Panginoon ay matuwid; siya'y aking malaking bato, at walang kalikuan sa kaniya.