Psalmen - Kapitel 89 Kap. 89 - Psalmen
[1] Aking aawitin ang kagandahang-loob ng Panginoon magpakailan man: aking ipababatid ng aking bibig ang iyong pagtatapat sa lahat ng sali't saling lahi.
[2] Sapagka't aking sinabi, Kaawaan ay matatayo magpakailan man: ang pagtatapat mo'y iyong itatatag sa mga kalangitlangitan.
[3] Ako'y nakipagtipan sa aking hirang, aking isinumpa kay David na aking lingkod;
[4] Ang binhi mo'y itatatag ko magpakailan man, at aking itatayo ang luklukan mo sa lahat ng sali't saling lahi. (Selah)
[5] At pupurihin ng langit ang iyong mga kababalaghan, Oh Panginoon; ang pagtatapat mo naman sa kapulungan ng mga banal.
[6] Sapagka't sino sa langit ang maitutulad sa Panginoon? Sino sa gitna ng mga anak ng makapangyarihan ang gaya ng Panginoon,
[7] Isang Dios na kakilakilabot sa kapulungan ng mga banal, at kinatatakutan ng higit sa lahat na nangasa palibot niya?
[8] Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, sino ang makapangyarihang gaya mo, Oh JAH? At ang pagtatapat mo'y nasa palibot mo.
[9] Iyong pinagpupunuan ang kapalaluan sa dagat: pagka nagsisibangon ang mga alon niyaon ay pinatatahimik mo.
[10] Iyong pinagwaraywaray ang Rahab na parang napatay; iyong pinangalat ang iyong mga kaaway ng bisig ng iyong kalakasan.
[11] Ang langit ay iyo, ang lupa ay iyo rin: ang sanglibutan at ang buong narito ay iyong itinatag,
[12] Ang hilagaan at ang timugan ay iyong nilikha; ang Tabor at ang Hermon ay nangagagalak sa iyong pangalan.
[13] Ikaw ay may makapangyarihang bisig: malakas ang iyong kamay, at mataas ang iyong kanang kamay.
[14] Katuwiran at kahatulan ay patibayan ng iyong luklukan: kagandahang-loob at katotohanan ay nagpapauna sa iyong mukha.
[15] Mapalad ang bayan na nakakaalam ng masayang tunog: sila'y nagsisilakad, Oh Panginoon, sa liwanag ng iyong mukha.
[16] Sa iyong pangalan ay nangagagalak sila buong araw: at sa iyong katuwiran ay nangatataas sila.
[17] Sapagka't ikaw ang kaluwalhatian ng kanilang kalakasan: at sa iyong lingap ay matataas ang aming sungay.
[18] Sapagka't ang aming kalasag ay ukol sa Panginoon; at ang aming hari ay sa banal ng Israel.
[19] Nang magkagayo'y nagsalita ka sa pangitain sa iyong mga banal, at iyong sinabi, Aking ipinagkatiwala ang saklolo sa isang makapangyarihan; Aking itinaas ang isang hirang mula sa bayan.
[20] Aking nasumpungan si David na aking lingkod; Aking pinahiran siya ng aking banal na langis:
[21] Na siyang itatatag ng aking kamay; palakasin naman siya ng aking bisig.
[22] Hindi dadahas sa kaniya ang kaaway; ni dadalamhatiin man siya ng anak ng kasamaan.
[23] At ibubuwal ko ang kaniyang mga kaaway sa harap niya, at sasaktan ko ang nangagtatanim sa kaniya.
[24] Nguni't ang pagtatapat ko at ang kagandahang-loob ko ay sasa kaniya; at sa pangalan ko'y matataas ang kaniyang sungay.
[25] Akin namang ilalapag ang kaniyang kamay sa dagat, at ang kaniyang kanan ay sa mga ilog.
[26] Siya'y dadaing sa akin, Ikaw ay Ama ko, Dios ko, at malaking bato ng aking kaligtasan.
[27] Akin namang gagawin siyang panganay ko, na pinakamataas sa mga hari sa lupa.
[28] Ang kagandahang-loob ko'y aking iingatan sa kaniya magpakailan man, at ang tipan ko'y mananayong matibay sa kaniya.
[29] Ang kaniya namang binhi ay pananatilihin ko magpakailan man, at ang luklukan niya'y parang mga araw ng langit.
[30] Kung pabayaan ng kaniyang mga anak ang kautusan ko, at hindi magsilakad sa aking mga kahatulan;
[31] Kung kanilang salangsangin ang mga palatuntunan ko, at hindi ingatan ang mga utos ko;
[32] Kung magkagayo'y aking dadalawin ng pamalo ang kanilang mga pagsalangsang, at ng mga hampas ang kanilang kasamaan.
[33] Nguni't ang aking kagandahang-loob ay hindi ko lubos na aalisin sa kaniya, ni akin mang titiisin na ang pagtatapat ko'y magkulang.
[34] Ang tipan ko'y hindi ko sisirain, ni akin mang babaguhin ang bagay na lumabas sa aking mga labi.
[35] Minsan ay sumampa ako sa pamamagitan ng aking kabanalan. Hindi ako magbubulaan kay David;
[36] Ang kaniyang binhi ay mananatili magpakailan man; at ang kaniyang luklukan ay parang araw sa harap ko.
[37] Matatatag magpakailan man na parang buwan, at tapat na saksi sa langit. (Selah)
[38] Nguni't iyong itinakuwil at tinanggihan, ikaw ay napoot sa iyong pinahiran ng langis.
[39] Iyong kinayamutan ang tipan ng iyong lingkod: iyong nilapastangan ang kaniyang putong sa pagtatapon sa lupa.
[40] Iyong ibinuwal ang lahat niyang mga bakod: iyong dinala sa pagkaguho ang kaniyang mga katibayan.
[41] Lahat na nagsisidaan sa lansangan ay nagsisisamsam sa kaniya. Siya'y naging kadustaan sa kaniyang mga kalapit.
[42] Iyong itinaas ang kanan ng kaniyang mga kaaway; iyong pinagalak ang lahat niyang mga kaaway.
[43] Oo, iyong ibinaligtad ang talim ng kaniyang tabak, at hindi mo itinayo siya sa pakikibaka.
[44] Iyong pinapaglikat ang kaniyang kakinangan. At iyong ibinagsak ang kaniyang luklukan sa lupa.
[45] Iyong pinaikli ang mga kaarawan ng kaniyang kabinataan: iyong tinakpan siya ng kahihiyan. (Selah)
[46] Hanggang kailan, Oh Panginoon, magkukubli ka magpakailan man? Hanggang kailan magniningas ang iyong poot na parang apoy?
[47] Oh alalahanin mo kung gaano kaikli ang aking panahon: sa anong pagkawalang kabuluhan nilalang mo ang lahat ng mga anak ng mga tao.
[48] Sinong tao ang mabubuhay at hindi makakakita ng kamatayan, na magliligtas ng kaniyang kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol? (Selah)
[49] Panginoon, saan nandoon ang iyong dating mga kagandahang-loob, na iyong isinumpa kay David sa iyong pagtatapat?
[50] Alalahanin mo Panginoon, ang kadustaan ng iyong mga lingkod; kung paanong taglay ko sa aking sinapupunan ang pagdusta ng lahat na makapangyarihang bayan;
[51] Na idinusta ng iyong mga kaaway, Oh Panginoon, na kanilang idinusta sa mga bakas ng iyong pinahiran ng langis.
[52] Purihin ang Panginoon, magpakailan man. Siya nawa, at Siya nawa.