Psalmen - Kapitel 88 Kap. 88 - Psalmen

Übersetzungen vergleichen

[1]  Oh Panginoon, na Dios ng aking kaligtasan, ako'y dumaing araw at gabi sa harap mo:

[2]  Masok ang aking dalangin sa iyong harapan: ikiling mo ang iyong pakinig sa aking daing:

[3]  Sapagka't ang aking kaluluwa ay lipos ng mga kabagabagan, at ang aking buhay ay nalalapit sa Sheol,

[4]  Ako'y nabilang sa kanila na nagsisibaba sa hukay; ako'y parang taong walang lakas:

[5]  Nakahagis sa gitna ng mga patay, gaya ng napatay na nakahiga sa libingan, na hindi mo na inaalaala; at sila'y mangahiwalay sa iyong kamay.

[6]  Iyong inilapag ako sa pinakamalalim na hukay, sa mga madilim na dako, sa mga kalaliman.

[7]  Lubhang idinidiin ako ng iyong poot, at iyong pinighati ako ng lahat mong mga alon. (Selah)

[8]  Iyong inilayo sa akin ang kakilala ko; iyong ginawa akong kasuklamsuklam sa kanila: ako'y nakulong at hindi ako makalabas,

[9]  Ang mata ko'y nangangalumata dahil sa kadalamhatian: ako'y tumawag araw-araw sa iyo, Oh Panginoon, aking iginawad ang mga kamay ko sa iyo.

[10]  Magpapakita ka ba ng mga kababalaghan sa mga patay? Sila bang mga patay ay magsisibangon, at magsisipuri sa iyo? (Selah)

[11]  Ang iyo bang kagandahang-loob ay ipahahayag sa libingan? O ang iyong pagtatapat sa kagibaan?

[12]  Malalaman ba ang mga kababalaghan mo sa dilim? At ang katuwiran mo sa lupain ng pagkalimot?

[13]  Nguni't sa iyo, Oh Panginoon, dumaing ako, at sa kinaumagahan ay darating ang dalangin ko sa harap mo.

[14]  Panginoon, bakit mo itinatakuwil ang kaluluwa ko? Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha sa akin?

[15]  Ako'y nadadalamhati, at handang mamatay mula sa aking kabataan: habang aking tinitiis ang iyong mga kakilakilabot na bagay ay nakakalingat ako.

[16]  Ang iyong mabangis na poot ay dumaan sa akin; inihiwalay ako ng iyong mga kakilakilabot na bagay.

[17]  Kanilang kinulong ako na parang tubig buong araw; kinubkob ako nilang magkakasama.

[18]  Mangliligaw at kaibigan ay inilayo mo sa akin, at ang aking kakilala ay sa dilim.