[2] Oh timbangin nawa ang aking pagkainip, at ang aking mga kasakunaan ay malagay sa mga timbangan na magkakasama.
[3] Sapagka't ngayo'y magiging lalong mabigat kay sa buhangin sa mga dagat: kaya't ang aking pananalita ay napabigla.
[4] Sapagka't ang mga palaso ng Makapangyarihan sa lahat ay nasasaksak sa akin, ang lason niyaon ay hinitit ng aking diwa; ang mga pangkilabot ng Dios ay nangahahanay laban sa akin.
[5] Umuungal ba ang mailap na asno pag may damo? O umuungal ba ang baka sa kaniyang pagkain?
[6] Makakain ba ng walang asin ang matabang? O mayroon bang lasa ang puti ng isang itlog?
[7] Tinatanggihang hipuin ng aking kaluluwa; mga karumaldumal na pagkain sa akin.
[8] Oh mangyari nawa ang aking kahilingan; at ipagkaloob nawa sa akin ng Dios ang bagay na aking minimithi!
[9] Sa makatuwid baga'y kalugdan nawa ng Dios na pisain ako; na bitawan ang kaniyang kamay, at ihiwalay ako!
[10] Kung magkagayo'y magtataglay pa ako ng kaaliwan; Oo, ako'y makapagbabata sa mga walang awang sakit; sapagka't hindi ko itinakuwil ang mga salita ng Banal.
[11] Ano ang aking lakas, na ako'y maghihintay? At ano ang aking wakas na ako'y magtitiis?
[12] Ang akin bang tibay ay tibay ng mga bato? O ang akin bang laman ay tanso?
[13] Di ba ako'y walang sukat na kaya, at ang karunungan ay lumayo sa akin?
[14] Siyang nanglulupaypay ay dapat pagpakitaang loob ng kaniyang kaibigan; kahit siya na walang takot sa Makapangyarihan sa lahat.
[15] Ang aking mga kapatid ay nagsipagdaya na parang batis, na parang daan ng mga batis na nababago;
[16] Na malabo dahil sa hielo, at siyang kinatunawan ng nieve:
[17] Paginit ay nawawala: pagka mainit, ay nangatutunaw sa kanilang dako.
[18] Ang mga pulutong na naglalakbay sa pagsunod sa mga yaon ay nangaliligaw; nagsisilihis sa ilang at nawawala.
[19] Minasdan ng mga pulutong na mula sa Tema, hinintay ang mga yaon ng mga pulutong na mula sa Seba.
[20] Sila'y nangapahiya, sapagka't sila'y nagsiasa; sila'y nagsiparoon at nangatulig.
[21] Sapagka't ngayon, kayo'y nauwi sa wala; kayo'y nangakakakita ng kakilabutan, at nangatatakot.
[22] Sinabi ko baga: Bigyan mo ako? O, Maghandog ka ng isang kaloob sa akin ng iyong pag-aari?
[23] O, Iligtas mo ako sa kamay ng kaaway? O, tubusin mo ako sa kamay ng mga namimighati?
[24] Turuan mo ako, at ako'y mamamayapa; at ipaunawa mo sa akin kung ano ang aking pinagkasalahan.
[25] Pagkatindi nga ng mga salita ng katuwiran! Nguni't anong sinasaway ng iyong pakikipagtalo?
[26] Iniisip ba ninyong sumaway ng mga salita? Dangang ang mga salita ng walang inaasahan ay parang hangin.
[27] Oo, kayo'y magsasapalaran sa ulila, at ginawa ninyong kalakal ang inyong kaibigan.
[28] Ngayon nga'y kalugdan mong lingapin ako; sapagka't tunay na hindi ako magbubulaan sa iyong harap.
[29] Kayo'y magsibalik isinasamo ko sa inyo, huwag magkaroon ng kalikuan; Oo, kayo'y magsibalik uli, ang aking usap ay matuwid.
[30] May di ganap ba sa aking dila? Hindi ba makapapansin ang aking pagwawari ng mga suwail na bagay?