Job - Chapter 6 Ch. 6 - Job

compare translations

[1]  Nang magkagayo'y sumagot si Job at nagsabi,

[2]  Oh timbangin nawa ang aking pagkainip, at ang aking mga kasakunaan ay malagay sa mga timbangan na magkakasama.

[3]  Sapagka't ngayo'y magiging lalong mabigat kay sa buhangin sa mga dagat: kaya't ang aking pananalita ay napabigla.

[4]  Sapagka't ang mga palaso ng Makapangyarihan sa lahat ay nasasaksak sa akin, ang lason niyaon ay hinitit ng aking diwa; ang mga pangkilabot ng Dios ay nangahahanay laban sa akin.

[5]  Umuungal ba ang mailap na asno pag may damo? O umuungal ba ang baka sa kaniyang pagkain?

[6]  Makakain ba ng walang asin ang matabang? O mayroon bang lasa ang puti ng isang itlog?

[7]  Tinatanggihang hipuin ng aking kaluluwa; mga karumaldumal na pagkain sa akin.

[8]  Oh mangyari nawa ang aking kahilingan; at ipagkaloob nawa sa akin ng Dios ang bagay na aking minimithi!

[9]  Sa makatuwid baga'y kalugdan nawa ng Dios na pisain ako; na bitawan ang kaniyang kamay, at ihiwalay ako!

[10]  Kung magkagayo'y magtataglay pa ako ng kaaliwan; Oo, ako'y makapagbabata sa mga walang awang sakit; sapagka't hindi ko itinakuwil ang mga salita ng Banal.

[11]  Ano ang aking lakas, na ako'y maghihintay? At ano ang aking wakas na ako'y magtitiis?

[12]  Ang akin bang tibay ay tibay ng mga bato? O ang akin bang laman ay tanso?

[13]  Di ba ako'y walang sukat na kaya, at ang karunungan ay lumayo sa akin?

[14]  Siyang nanglulupaypay ay dapat pagpakitaang loob ng kaniyang kaibigan; kahit siya na walang takot sa Makapangyarihan sa lahat.

[15]  Ang aking mga kapatid ay nagsipagdaya na parang batis, na parang daan ng mga batis na nababago;

[16]  Na malabo dahil sa hielo, at siyang kinatunawan ng nieve:

[17]  Paginit ay nawawala: pagka mainit, ay nangatutunaw sa kanilang dako.

[18]  Ang mga pulutong na naglalakbay sa pagsunod sa mga yaon ay nangaliligaw; nagsisilihis sa ilang at nawawala.

[19]  Minasdan ng mga pulutong na mula sa Tema, hinintay ang mga yaon ng mga pulutong na mula sa Seba.

[20]  Sila'y nangapahiya, sapagka't sila'y nagsiasa; sila'y nagsiparoon at nangatulig.

[21]  Sapagka't ngayon, kayo'y nauwi sa wala; kayo'y nangakakakita ng kakilabutan, at nangatatakot.

[22]  Sinabi ko baga: Bigyan mo ako? O, Maghandog ka ng isang kaloob sa akin ng iyong pag-aari?

[23]  O, Iligtas mo ako sa kamay ng kaaway? O, tubusin mo ako sa kamay ng mga namimighati?

[24]  Turuan mo ako, at ako'y mamamayapa; at ipaunawa mo sa akin kung ano ang aking pinagkasalahan.

[25]  Pagkatindi nga ng mga salita ng katuwiran! Nguni't anong sinasaway ng iyong pakikipagtalo?

[26]  Iniisip ba ninyong sumaway ng mga salita? Dangang ang mga salita ng walang inaasahan ay parang hangin.

[27]  Oo, kayo'y magsasapalaran sa ulila, at ginawa ninyong kalakal ang inyong kaibigan.

[28]  Ngayon nga'y kalugdan mong lingapin ako; sapagka't tunay na hindi ako magbubulaan sa iyong harap.

[29]  Kayo'y magsibalik isinasamo ko sa inyo, huwag magkaroon ng kalikuan; Oo, kayo'y magsibalik uli, ang aking usap ay matuwid.

[30]  May di ganap ba sa aking dila? Hindi ba makapapansin ang aking pagwawari ng mga suwail na bagay?