[1] Gayon man, Job, isinasamo ko sa iyo na, dinggin mo ang aking pananalita, at pakinggan mo ang lahat ng aking mga salita.
[2] Narito, ngayon ay aking ibinuka ang aking bibig; nagsalita ang aking dila sa aking bibig.
[3] Sasaysayin ng aking mga salita ang katuwiran ng aking puso; at ang nalalaman ng aking mga labi ay sasalitaing may pagtatapat.
[4] Nilalang ako ng Espiritu ng Dios, at ang hinga ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa akin ng buhay.
[5] Kung ikaw ay makasasagot ay sumagot ka sa akin; ayusin mo ang iyong mga salita sa harap ko, tumayo ka.
[6] Narito, ako'y sa Dios na gaya mo: ako ma'y nilalang mula rin sa putik.
[7] Narito, hindi ka tatakutin ng aking kakilabutan, ni ang aking kalakhan man ay magiging mabigat sa iyo.
[8] Tunay na ikaw ay nagsalita sa aking pakinig, at aking narinig ang tinig ng iyong mga salita, na nagsasabi,
[9] Ako'y malinis na walang pagsalangsang; ako'y walang sala, ni may kasamaan man sa akin:
[10] Narito, siya'y nakasumpong ng kadahilanan laban sa akin, ibinilang niya ako na pinakakaaway:
[11] Inilagay niya ang aking mga paa sa mga pangawan, kaniyang pinupuna ang lahat na aking landas.
[12] Narito, ako'y sasagot sa iyo, dito'y hindi ka ganap; sapagka't ang Dios ay dakila kay sa tao.
[13] Bakit ka nakikilaban sa kaniya? Sapagka't hindi siya nagbibigay alam ng anoman sa kaniyang mga usap.
[14] Sapagka't ang Dios ay minsang nagsasalita, Oo, makalawa, bagaman hindi pinakikinggan ng tao.
[15] Sa isang panaginip, sa isang pangitain sa gabi, pagka ang mahimbing na pagkakatulog ay nahuhulog sa mga tao, sa mga pagkakatulog sa higaan;
[16] Kung magkagayo'y ibinubukas niya ang mga pakinig ng mga tao, at itinatatak ang kanilang turo,
[17] Upang ihiwalay ang tao sa kaniyang panukala, at ikubli ang kapalaluan sa tao;
[18] Kaniyang pinipigil ang kaniyang kaluluwa sa pagbulusok sa hukay, at ang kaniyang buhay sa pagkamatay sa pamamagitan ng tabak.
[19] Siya nama'y pinarurusahan ng sakit sa kaniyang higaan, at ng palaging antak sa kaniyang mga buto:
[20] Na anopa't kinayayamutan ng kaniyang buhay ang tinapay, at ng kaniyang kaluluwa ang pagkaing pinakamasarap,
[21] Ang kaniyang laman ay natutunaw, na hindi makita; at ang kaniyang mga buto na hindi nakita ay nangalilitaw.
[22] Oo, ang kaniyang kaluluwa ay nalalapit sa hukay, at ang kaniyang buhay sa mga mangwawasak.
[23] Kung doroong kasama niya ang isang anghel, isang tagapagpaaninaw, na isa sa gitna ng isang libo, upang ipakilala sa tao kung ano ang matuwid sa kaniya;
[24] Kung magkagayo'y binibiyayaan niya siya at nagsasabi, Iligtas mo siya sa pagbaba sa hukay, ako'y nakasumpong ng katubusan.
[25] Ang kaniyang laman ay magiging sariwa kay sa laman ng isang bata; siya'y bumabalik sa mga kaarawan ng kaniyang kabataan:
[26] Siya'y dumadalangin sa Dios, at nililingap niya siya: na anopa't kaniyang nakikita ang kaniyang mukha na may kagalakan: at kaniyang isinasa tao ang kaniyang katuwiran.
[27] Siya'y umaawit sa harap ng mga tao, at nagsasabi, Ako'y nagkasala, at sumira ng matuwid, at hindi ko napakinabangan:
[28] Kaniyang tinubos ang aking kaluluwa sa pagyao sa hukay, at ang aking buhay ay makakakita ng liwanag.
[29] Narito, ang lahat ng mga bagay na ito ay gawa ng Dios, makalawa, oo, makaitlo sa tao,
[30] Upang ibalik ang kaniyang kaluluwa mula sa hukay, upang siya'y maliwanagan ng liwanag ng buhay.
[31] Pansinin mong mabuti, Oh Job, dinggin mo ako: tumahimik ka, at ako'y magsasalita.
[32] Kung ikaw ay may anomang bagay na sasabihin, sagutin mo ako: ikaw ay magsalita, sapagka't ibig kong ariin kang ganap.
[33] Kung hindi, dinggin mo ako: tumahimik ka, at tuturuan kita ng karunungan.