[1] Sa gayo'y ang tatlong lalaking ito ay nagsitigil ng pagsagot kay Job, sapagka't siya'y matuwid sa kaniyang sariling paningin.
[2] Nang magkagayo'y nagalab ang poot ni Eliu, na anak ni Barachel na Bucita, na angkan ni Ram: laban kay Job ay nagalab ang kaniyang poot, sapagka't siya'y nagpapanggap na ganap kay sa Dios.
[3] Laban din naman sa kaniyang tatlong kaibigan ay nagalab ang kaniyang poot, sapagka't sila'y hindi nakasumpong ng sagot, at gayon man ay nahatulan si Job.
[4] Si Eliu nga ay naghintay upang magsalita kay Job, sapagka't sila'y matanda kay sa kaniya.
[5] At nang makita ni Eliu na walang kasagutan sa bibig ng tatlong lalaking ito, ay nagalab ang kaniyang poot.
[6] At si Eliu na anak ni Barachel na Bucita ay sumagot at nagsabi, Ako'y bata, at kayo'y totoong matatanda; kaya't ako'y nagpakapigil at hindi ako nangahas magpatalastas sa inyo ng aking haka.
[7] Aking sinabi, Ang mga kaarawan ang mangagsasalita, at ang karamihan ng mga taon ay mangagtuturo ng karunungan.
[8] Nguni't may espiritu sa tao, at ang hinga ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa kanila ng unawa.
[9] Hindi ang dakila ang siyang pantas, ni ang matanda man ang siyang nakakaunawa ng kahatulan.
[10] Kaya't aking sinabi, Dinggin ninyo ako; akin namang ipakikilala ang aking haka.
[11] Narito, aking hinintay ang inyong mga salita, aking dininig ang inyong mga pangangatuwiran, samantalang kayo'y naghahagilap ng masasabi.
[12] Oo, aking inulinig kayo, at, narito, walang isang makahikayat kay Job, o sa inyo'y may makasagot sa kaniyang mga salita.
[13] Magbawa nga kayo, baka kayo'y magsabi, Kami ay nakasumpong ng karunungan; madadaig ng Dios siya, hindi ng tao;
[14] Sapagka't hindi itinukoy ang kaniyang mga salita sa akin; ni hindi ko sasagutin siya ng inyong mga pananalita.
[15] Sila'y nangalito, sila'y hindi na nagsisagot pa; Sila'y walang salitang masabi,
[16] At ako ba'y maghihintay, sapagka't sila'y hindi nangagsasalita, sapagka't sila'y nangakatigil, at hindi na nagsisisagot.
[17] Ako nama'y sasagot ng ganang akin, akin namang ipakikilala ang aking haka.
[18] Sapagka't ako'y puspos ng mga salita; ang diwa na sumasaloob ko ay pumipigil sa akin,
[19] Narito, ang aking dibdib ay parang alak na walang pahingahan: parang mga bagong sisidlang-balat na handa sa pagkahapak.
[20] Ako'y magsasalita, upang ako'y maginhawahan: aking ibubuka ang aking mga labi at sasagot ako.
[21] Huwag itulot sa akin na pakundanganan ko, isinasamo ko sa inyo, ang pagkatao ninoman; ni gumamit man sa kanino man ng mga pakunwaring papuring salita.
[22] Sapagka't hindi ako marunong sumambit ng mga pakunwaring papuring salita; na kung dili ay madaling papanawin ako ng Maylalang sa akin.