[1] Sa bawa't bagay ay may kapanahunan, at panahon sa bawa't panukala sa silong ng langit:
[2] Panahon ng kapanganakan, at panahon ng kamatayan; panahon ng pagtatanim, at panahon ng pagbunot ng itinanim;
[3] Panahon ng pagpatay, at panahon ng pagpapagaling; panahon ng paggiba, at panahon ng pagtatayo;
[4] Panahon ng pagiyak, at panahon ng pagtawa; panahon ng pagtangis, at panahon ng pagsayaw;
[5] Panahon ng paghahagis ng mga bato, at panahon ng pagpipisan ng mga bato; panahon ng pagyakap, at panahon ng pagpipigil sa pagyakap;
[6] Panahon ng paghanap, at panahon ng pagkawala: panahon ng pagiingat, at panahon ng pagtatapon;
[7] Panahon ng pagpunit, at panahon ng pananahi; panahon ng pagtahimik, at panahon ng pagsasalita;
[8] Panahon ng pagibig, at panahon ng pagtatanim; panahon ng digma, at panahon ng kapayapaan.
[9] Anong pakinabang ang tinatamo niya, na gumagawa sa kaniyang pinagpapagalan?
[10] Aking nakita ang sakit na ibinigay ng Dios sa mga anak ng mga tao upang pagsanayan.
[11] Ginawa niya ang bawa't bagay na maganda sa kapanahunan niyaon: inilagay rin niya ang sanglibutan sa kanilang puso, na anopa't hindi matalos ng tao ang gawa na ginawa ng Dios mula sa pasimula hanggang sa wakas.
[12] Nalalaman ko, na walang maigi sa kanila, kay sa magalak, at gumawa ng mabuti habang sila'y nabubuhay.
[13] At ang bawa't tao rin naman ay marapat kumain at uminom, at magalak sa kabutihan sa lahat niyang gawa, siyang kaloob ng Dios.
[14] Nalalaman ko, na anomang ginagawa ng Dios, magiging magpakailan pa man: walang bagay na maidadagdag, o anomang bagay na maaalis: at ginawa ng Dios, upang ang tao ay matakot sa harap niya.
[15] Ang nangyari sa nagdaan ay nangyari na; at ang mangyayari pa ay nangyari na rin; at hinahanap uli ng Dios ang nakaraan na.
[16] At bukod dito'y aking nakita sa ilalim ng araw, sa dako ng kahatulan, na nandoon ang kasamaan; at sa dako ng katuwiran, na nandoon ang kasamaan.
[17] Sinabi ko sa puso ko, Hahatulan ng Dios ang matuwid at ang masama: sapagka't may panahon doon sa bawa't panukala at sa bawa't gawa.
[18] Sinabi ko sa puso ko, Dahil sa mga anak ng mga tao, upang subukin sila ng Dios, at upang kanilang makita na sila'y mga hayop lamang.
[19] Sapagka't ang nangyayari sa mga anak ng mga tao ay nangyayari sa mga hayop: sa makatuwid baga'y isang bagay ang nangyari sa kanila: kung paanong namamatay ang hayop, gayon namamatay ang tao; oo, silang lahat ay may isang hininga; at ang tao ay wala ng karangalang higit sa hayop: sapagka't lahat ay walang kabuluhan.
[20] Lahat ay nagsisiyaon sa isang dako; lahat ay buhat sa alabok, at lahat ay nangauuwi sa alabok uli.
[21] Sinong nakakaalam ng diwa ng tao kung napaiilanglang, at ng diwa ng hayop kung napaiibaba sa lupa?
[22] Kaya't aking nakita, na walang bagay na maigi, kundi ang tao ay magalak sa kaniyang mga gawa; sapagka't siyang kaniyang bahagi: sapagka't sinong magbabalik sa kaniya upang makita ang mangyayari pagkamatay niya?