[1]  Sa bawa't bagay ay may kapanahunan, at panahon sa bawa't panukala sa silong ng langit:

[1]  ---

[2]  Panahon ng kapanganakan, at panahon ng kamatayan; panahon ng pagtatanim, at panahon ng pagbunot ng itinanim;

[2]  ---

[3]  Panahon ng pagpatay, at panahon ng pagpapagaling; panahon ng paggiba, at panahon ng pagtatayo;

[3]  ---

[4]  Panahon ng pagiyak, at panahon ng pagtawa; panahon ng pagtangis, at panahon ng pagsayaw;

[4]  ---

[5]  Panahon ng paghahagis ng mga bato, at panahon ng pagpipisan ng mga bato; panahon ng pagyakap, at panahon ng pagpipigil sa pagyakap;

[5]  ---

[6]  Panahon ng paghanap, at panahon ng pagkawala: panahon ng pagiingat, at panahon ng pagtatapon;

[6]  ---

[7]  Panahon ng pagpunit, at panahon ng pananahi; panahon ng pagtahimik, at panahon ng pagsasalita;

[7]  ---

[8]  Panahon ng pagibig, at panahon ng pagtatanim; panahon ng digma, at panahon ng kapayapaan.

[8]  ---

[9]  Anong pakinabang ang tinatamo niya, na gumagawa sa kaniyang pinagpapagalan?

[9]  ---

[10]  Aking nakita ang sakit na ibinigay ng Dios sa mga anak ng mga tao upang pagsanayan.

[10]  ---

[11]  Ginawa niya ang bawa't bagay na maganda sa kapanahunan niyaon: inilagay rin niya ang sanglibutan sa kanilang puso, na anopa't hindi matalos ng tao ang gawa na ginawa ng Dios mula sa pasimula hanggang sa wakas.

[11]  ---

[12]  Nalalaman ko, na walang maigi sa kanila, kay sa magalak, at gumawa ng mabuti habang sila'y nabubuhay.

[12]  ---

[13]  At ang bawa't tao rin naman ay marapat kumain at uminom, at magalak sa kabutihan sa lahat niyang gawa, siyang kaloob ng Dios.

[13]  ---

[14]  Nalalaman ko, na anomang ginagawa ng Dios, magiging magpakailan pa man: walang bagay na maidadagdag, o anomang bagay na maaalis: at ginawa ng Dios, upang ang tao ay matakot sa harap niya.

[14]  ---

[15]  Ang nangyari sa nagdaan ay nangyari na; at ang mangyayari pa ay nangyari na rin; at hinahanap uli ng Dios ang nakaraan na.

[15]  ---

[16]  At bukod dito'y aking nakita sa ilalim ng araw, sa dako ng kahatulan, na nandoon ang kasamaan; at sa dako ng katuwiran, na nandoon ang kasamaan.

[16]  ---

[17]  Sinabi ko sa puso ko, Hahatulan ng Dios ang matuwid at ang masama: sapagka't may panahon doon sa bawa't panukala at sa bawa't gawa.

[17]  ---

[18]  Sinabi ko sa puso ko, Dahil sa mga anak ng mga tao, upang subukin sila ng Dios, at upang kanilang makita na sila'y mga hayop lamang.

[18]  ---

[19]  Sapagka't ang nangyayari sa mga anak ng mga tao ay nangyayari sa mga hayop: sa makatuwid baga'y isang bagay ang nangyari sa kanila: kung paanong namamatay ang hayop, gayon namamatay ang tao; oo, silang lahat ay may isang hininga; at ang tao ay wala ng karangalang higit sa hayop: sapagka't lahat ay walang kabuluhan.

[19]  ---

[20]  Lahat ay nagsisiyaon sa isang dako; lahat ay buhat sa alabok, at lahat ay nangauuwi sa alabok uli.

[20]  ---

[21]  Sinong nakakaalam ng diwa ng tao kung napaiilanglang, at ng diwa ng hayop kung napaiibaba sa lupa?

[21]  ---

[22]  Kaya't aking nakita, na walang bagay na maigi, kundi ang tao ay magalak sa kaniyang mga gawa; sapagka't siyang kaniyang bahagi: sapagka't sinong magbabalik sa kaniya upang makita ang mangyayari pagkamatay niya?

[22]  ---