[1] Siyang tumatahan sa lihim na dako ng Kataastaasan. Ay mananatili sa lilim ng Makapangyarihan sa lahat.
[2] Aking sasabihin tungkol sa Panginoon, siya'y aking kanlungan at aking katibayan, ang Dios ko na siyang aking tinitiwalaan.
[3] Sapagka't kaniyang ililigtas ka sa silo ng paninilo, at sa mapamuksang salot.
[4] Kaniyang tatakpan ka ng kaniyang mga bagwis, at sa ilalim ng kaniyang mga pakpak ay manganganlong ka: ang kaniyang katotohanan ay kalasag at baluti.
[5] Ikaw ay hindi matatakot sa kakilabutan sa gabi, ni sa pana man na humihilagpos kung araw;
[6] Dahil sa salot na dumarating sa kadiliman, ni dahil sa paggiba man na sumisira sa katanghaliang tapat.
[7] Isang libo ay mabubuwal sa iyong siping, at sangpung libo sa iyong kanan; nguni't hindi lalapit sa iyo.
[8] Iyong mamamasdan lamang ng iyong mga mata, at iyong makikita ang ganti sa masama.
[9] Sapagka't ikaw, Oh Panginoon, ay aking kanlungan! Iyong ginawa ang Kataastaasan na iyong tahanan;
[10] Walang kasamaang mangyayari sa iyo, ni anomang salot ay lalapit sa iyong tolda.
[11] Sapagka't siya'y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo, upang ingatan ka sa lahat ng iyong mga lakad.
[12] Kanilang dadalhin ka sa kanilang mga kamay, baka matisod ka ng iyong paa sa isang bato.
[13] Iyong yayapakan ang leon at ang ulupong: ang batang leon at ang ahas ay yuyurakan mo ng iyong mga paa.
[14] Sapagka't kaniyang inilagak ang kaniyang pagibig sa akin, kaya't iniligtas ko siya: aking ilalagay siya sa mataas, sapagka't kaniyang naalaman ang pangalan ko.
[15] Siya'y tatawag sa akin, at sasagutin ko siya; ako'y sasa kaniya sa kabagabagan: aking ililigtas siya, at pararangalan siya.
[16] Aking bubusugin siya ng mahabang buhay, at ipakikita ko sa kaniya ang aking pagliligtas.