[1] Panginoon, ikaw ay naging tahanang dako namin sa lahat ng sali't saling lahi.
[2] Bago nalabas ang mga bundok, O bago mo nilikha ang lupa at ang sanglibutan, mula nga ng walang pasimula hanggang sa walang hanggan, ikaw ang Dios.
[3] Iyong pinapagiging kapahamakan ang tao; at iyong sinasabi, Magsipanumbalik kayo, kayong mga anak ng mga tao.
[4] Sapagka't isang libong taon sa iyong paningin ay parang kahapon lamang nang makaraan, at parang pagpupuyat sa gabi.
[5] Iyong dinadala sila na parang baha; sila'y parang pagkakatulog: sa kinaumagahan ay parang damo sila na tumutubo.
[6] Sa kinaumagahan ay namumulaklak at lumalago; sa kinahapunan ay pinuputol at natutuyo.
[7] Sapagka't kami ay nangasupok sa iyong galit, at sa iyong poot ay nangabagabag kami.
[8] Iyong inilagay ang aming kasamaan sa harap mo, ang aming lihim na mga kasalanan sa liwanag ng iyong mukha.
[9] Sapagka't lahat naming kaarawan ay dumaan sa iyong poot: aming niwawakasan ang aming mga taon na parang isang buntong hininga.
[10] Ang mga kaarawan ng aming mga taon ay pitong pung taon, o kung dahil sa kalakasan ay umaabot ng walong pung taon; gayon ma'y ang kanilang kapalaluan ay hirap at kapanglawan lamang; sapagka't madaling napapawi, at kami ay nagsisilipad.
[11] Sinong nakakaalam ng kapangyarihan ng iyong galit, at ng iyong poot ayon sa katakutan na marapat sa iyo?
[12] Kaya ituro mo sa amin ang pagbilang ng aming mga kaarawan, upang kami ay mangagtamo sa amin ng pusong may karunungan.
[13] Manumbalik ka, Oh Panginoon; hanggang kailan pa? At iyong papagsisihin ang tungkol sa mga lingkod mo.
[14] Oh busugin mo kami sa kinaumagahan ng iyong kagandahang-loob; upang kami ay mangagalak at mangatuwa sa lahat ng kaarawan namin.
[15] Pasayahin mo kami ayon sa mga kaarawan na iyong idinalamhati sa amin, at sa mga taon na aming ikinakita ng kasamaan.
[16] Mahayag nawa ang iyong gawa sa iyong mga lingkod, at ang kaluwalhatian mo sa kanilang mga anak.
[17] At sumaamin nawa ang kagandahan ng Panginoong aming Dios: at iyong itatag sa amin ang gawa ng aming mga kamay; Oo, ang gawa ng aming mga kamay ay itatag mo.