Psalms - Chapter 66 Ch. 66 - Psalms

compare translations

[1]  Magkaingay kayong may kagalakan sa Dios, buong lupa.

[2]  Awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kaniyang pangalan: paluwalhatiin ninyo ang pagpuri sa kaniya.

[3]  Inyong sabihin sa Dios, napaka kakilakilabot ng iyong mga gawa! Sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan ay magsisuko ang iyong mga kaaway sa iyo.

[4]  Buong lupa ay sasamba sa iyo, at aawit sa iyo; sila'y magsisiawit sa iyong pangalan. (Selah)

[5]  Kayo ay magsiparito, at tingnan ninyo ang mga gawa ng Dios; siya'y kakilakilabot sa kaniyang gawain sa mga anak ng mga tao.

[6]  Kaniyang pinagiging tuyong lupa ang dagat: sila'y nagsidaan ng paa sa ilog: doo'y nangagalak kami sa kaniya.

[7]  Siya'y nagpupuno ng kaniyang kapangyarihan magpakailan man: papansinin ng kaniyang mga mata ang mga bansa: huwag mangagpakabunyi ang mga manghihimagsik. (Selah)

[8]  Oh purihin ninyo ang ating Dios, ninyong mga bayan, at iparinig ninyo ang tinig ng kaniyang kapurihan:

[9]  Na umaalalay sa ating kaluluwa sa buhay, at hindi tumitiis na makilos ang ating mga paa.

[10]  Sapagka't ikaw, Oh Dios, tinikman mo kami: Iyong sinubok kami na para ng pagsubok sa pilak.

[11]  Iyong isinuot kami sa silo; ikaw ay naglagay ng mainam na pasan sa aming mga balakang.

[12]  Iyong pinasakay ang mga tao sa aming mga ulo; kami ay nangagdaan sa apoy at sa tubig; nguni't dinala mo kami sa saganang dako.

[13]  Ako'y papasok sa iyong bahay na may mga handog na susunugin, aking babayaran sa iyo ang mga panata ko,

[14]  Na sinambit ng aking mga labi, at sinalita ng aking bibig, nang ako'y nasa kadalamhatian.

[15]  Ako'y maghahandog sa iyo ng mga matabang handog na susunugin, na may haing mga tupa; ako'y maghahandog ng mga toro na kasama ng mga kambing. (Selah)

[16]  Kayo'y magsiparito at dinggin ninyo, ninyong lahat na nangatatakot sa Dios, at ipahahayag ko kung ano ang kaniyang ginawa sa aking kaluluwa.

[17]  Ako'y dumaing sa kaniya ng aking bibig, at siya'y ibinunyi ng aking dila.

[18]  Kung pinakundanganan ko ang kasamaan sa aking puso, hindi ako didinggin ng Panginoon:

[19]  Nguni't katotohanang dininig ako ng Dios; kaniyang pinakinggan ang tinig ng aking dalangin.

[20]  Purihin ang Dios, na hindi iniwaksi ang aking dalangin, ni ang kaniyang kagandahang-loob sa akin.