Psalms - Chapter 65 Ch. 65 - Psalms

compare translations

[1]  Ang kapurihan ay naghihintay sa iyo, Oh Dios, sa Sion: at sa iyo'y maisasagawa ang panata.

[2]  Oh ikaw na dumidinig ng dalangin, sa iyo'y paroroon ang lahat ng laman.

[3]  Mga kasamaan ay nangananaig laban sa akin: tungkol sa aming pagsalangsang, ay lilinisin mo.

[4]  Mapalad ang tao na iyong pinipili, at pinalalapit mo sa iyo, upang siya'y makatahan sa iyong mga looban: kami ay mangasisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay, ng iyong banal na templo.

[5]  Sasagutin mo kami sa katuwiran sa pamamagitan ng mga kakilakilabot na bagay, Oh Dios ng aming kaligtasan; ikaw na katiwalaan ng lahat na wakas ng lupa, at nila na malayo sa dagat:

[6]  Na naglalagay na matibay ng mga bundok sa pamamagitan ng kaniyang kalakasan; palibhasa't nabibigkisan sa palibot ng kapangyarihan:

[7]  Na nagpapatigil ng hugong ng mga dagat, ng hugong ng kanilang mga alon, at ng kaingay ng mga bayan.

[8]  Sila naman na nagsisitahan sa mga pinakadulong bahagi ay nangatatakot sa iyong mga tanda: ikaw ang nagbibigay galak sa pagbubukang liwayway at pagtatakip-silim.

[9]  Iyong dinadalaw ang lupa, at dinidilig mo, iyong pinayayamang mainam; ang ilog ng Dios ay puno ng tubig: iyong pinagtataanan sila ng trigo, pagka't inihanda mo ang lupa.

[10]  Iyong dinidilig ang kaniyang bungkal ng sagana; iyong pinapantay ang kaniyang mga bungkal; iyong mga pinalalambot ng ambon; iyong pinagpapala ang pagsibol niyaon.

[11]  Iyong dinudulutan ang taon ng iyong kabutihan; at ang iyong mga landas ay pumapatak ng katabaan.

[12]  Nagsisipatak sa mga pastulan sa ilang; at ang mga burol ay nabibigkisan ng kagalakan.

[13]  Ang mga pastulan ay nangabihisan ng mga kawan; ang mga libis naman ay nangatatakpan ng trigo; sila'y magsisihiyaw sa kagalakan, sila naman ay nagsisiawit.