[1] Saan naparoon ang iyong sinisinta, Oh ikaw na pinakamaganda sa mga babae? Saan tumungo ang iyong sinisinta, upang siya'y aming mahanap na kasama mo?
[2] Ang sinisinta ko'y bumaba sa kaniyang halamanan, sa mga pitak ng mga especia, upang magaliw sa mga halaman, at upang mamitas ng mga lila.
[3] Ako'y sa aking sinisinta, at ang sinisinta ko ay akin: pinapastulan niya ang kaniyang kawan sa gitna ng mga lila.
[4] Ikaw ay maganda, sinta ko, na gaya ng Tirsa, kahalihalina na gaya ng Jerusalem, kakilakilabot na gaya ng hukbo na may mga watawat.
[5] Ihiwalay mo ang iyong mga mata sa akin, Sapagka't kanilang dinaig ako. Ang iyong buhok ay gaya ng kawan ng mga kambing, na nangahihilig sa gulod ng Galaad.
[6] Ang iyong mga ngipin ay gaya ng kawan ng mga babaing tupa, na nagsiahong mula sa pagpaligo; na bawa't isa'y may anak na kambal, at walang baog sa kanila.
[7] Ang iyong mga pisngi ay gaya ng putol ng granada sa likod ng iyong lambong.
[8] May anim na pung reina, at walong pung babae; at mga dalaga na walang bilang.
[9] Ang aking kalapati, ang aking sakdal ay isa lamang; siya ang bugtong ng kaniyang ina; siya ang pili ng nanganak sa kaniya. Nakita siya ng mga anak na babae, at tinawag siyang mapalad; Oo, ng mga reina at ng mga babae, at pinuri siya nila.
[10] Sino siyang tumitinging parang umaga, maganda na parang buwan, maliwanag na parang araw, kakilakilabot na parang hukbo na may mga watawat?
[11] Ako'y bumaba sa halamanan ng mga pile, upang tingnan ang mga sariwang pananim ng libis, upang tingnan kung nagbubuko ang puno ng ubas, at ang mga puno ng granada ay namumulaklak.
[12] Bago ko naalaman, inilagay ako ng aking kaluluwa sa gitna ng mga karo ng aking marangal na bayan.
[13] Bumalik ka, bumalik ka, Oh Sulamita; bumalik ka, bumalik ka, upang ikaw ay aming masdan. Bakit ninyo titingnan ang Sulamita, nang gaya sa sayaw ng Mahanaim.