Roma - Pasal 2 Pasal. 2 - Roma

bandingkan terjemahan

[1]  Dahil dito'y wala kang madadahilan, Oh tao, sino ka man na humahatol: sapagka't sa iyong paghatol sa iba, ay ang iyong sarili ang hinahatulan mo; sapagka't ikaw na humahatol ay gumagawa ka ng gayon ding mga bagay.

[2]  At nalalaman natin na ang hatol ng Dios ay ayon sa katotohanan laban sa kanila na mga nagsisigawa ng gayong mga bagay.

[3]  At iniisip mo baga ito, Oh tao, na humahatol sa mga nagsisigawa ng gayong mga bagay, at ginagawa mo ang gayon din, na ikaw ay makatatanan sa hatol ng Dios?

[4]  O hinahamak mo ang mga kayamanan ng kaniyang kabutihan at pagtitiis at pagpapahinuhod, na hindi mo nalalaman na ang kabutihan ng Dios ay siyang umaakay sa iyo sa pagsisisi?

[5]  Datapuwa't ayon sa iyong katigasan at iyong pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka sa iyong sarili ng poot sa kaarawan ng kapootan at pagpapahayag ng tapat na paghuhukom ng Dios;

[6]  Na siya ang magbibigay sa bawa't tao ayon sa kaniyang mga gawa:

[7]  Sa mga nagsisipagtiyaga sa mabubuting gawa sa paghanap ng kaluwalhatian at puri at ng di pagkasira, ay ang buhay na walang hanggan:

[8]  Datapuwa't ang sa mga palaaway, at mga hindi nagsisitalima sa katotohanan, kundi bagkus nagsisisunod sa kalikuan, ay ang kagalitan at kapootan,

[9]  Kapighatian at kahapisan, ang sa bawa't kaluluwa ng tao na gumagawa ng masama, ng Judio una-una, at gayon din ng Griego;

[10]  Datapuwa't kaluwalhatian at karangalan at kapayapaan ang sa bawa't taong gumagawa ng mabuti, sa Judio ang una-una, at gayon din sa Griego:

[11]  Sapagka't ang Dios ay hindi nagtatangi ng mga tao.

[12]  Sapagka't ang lahat ng nangagkasala ng walang kautusan ay mangapapahamak din naman ng walang kautusan: at ang lahat na nangagkasala sa ilalim ng kautusan ay sa kautusan din sila hahatulan;

[13]  Sapagka't hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang mga ganap sa harapan ng Dios, kundi ang nangagsisitalima sa kautusan ay aariing mga ganap;

[14]  (Sapagka't kung ang mga Gentil na walang kautusan sa katutubo, ay nagsisigawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga ito, na walang kautusan, ay siyang kautusan sa kanilang sarili;

[15]  Na nangagtatanyag ng gawa ng kautusang nasusulat sa kanilang puso, na pinatotohanan ito pati ng kanilang budhi, at ang kanilang mga pagiisip ay nangagsusumbungan o nangagdadahilanan sa isa't isa);

[16]  Sa araw na hahatulan ng Dios ang mga lihim ng mga tao, ayon sa aking evangelio, sa pamamagitan ni Jesucristo.

[17]  Nguni't kung ikaw na may taglay na pangalang Judio, at nasasalig sa kautusan, at nagmamapuri sa Dios,

[18]  At nakaaalam ng kaniyang kalooban, at sumasangayon sa mga bagay na magagaling, palibhasa'y tinuruan ka ng kautusan,

[19]  At nagkakatiwala ka na ikaw ay tagaakay ng mga bulag, ilaw ng mga nasa kadiliman,

[20]  Tagasaway sa mga di nakaaalam, guro ng mga bata, na sa kautusan ay mayroon kang anyo ng pagkakilala at ng katotohanan;

[21]  Ikaw nga na nagtuturo sa iba, hindi mo tinuturuan ang iyong sarili? ikaw na nangangaral sa tao na huwag magnanakaw, ay nagnanakaw ka?

[22]  Ikaw na nagsasabing ang tao ay huwag mangalunya, ay nangangalunya ka? ikaw na nasusuklam sa mga diosdiosan, ay nanakawan mo ang mga templo?

[23]  Ikaw na nagmamapuri sa kautusan, sa iyong pagsuway sa kautusan ay niwawalan mo ng puri ang Dios?

[24]  Sapagka't ang pangalan ng Dios ay nalalait ng mga Gentil dahil sa iyo, gaya ng nasusulat.

[25]  Sapagka't ang pagtutuli'y tunay na pinakikinabangan, kung tinutupad mo ang kautusan; datapuwa't kung ikaw ay masuwayin sa kautusan, ang iyong pagtutuli ay nagiging di pagtutuli.

[26]  Kung ang di pagtutuli nga ay tumutupad ng katuwiran ng kautusan, hindi baga aariing pagtutuli ang kaniyang di pagtutuli?

[27]  At ang di pagtutuli sa katutubo, kung tumupad ng kautusan, ay hindi baga hahatol sa iyo na may titik at may pagtutuli na masuwayin sa kautusan?

[28]  Sapagka't siya'y hindi Judio kung sa labas lamang; ni magiging pagtutuli yaong hayag sa laman;

[29]  Datapuwa't siya'y Judio sa loob; at ang pagtutuli ay yaong sa puso, sa Espiritu hindi sa titik; ang kaniyang kapurihan ay hindi sa mga tao, kundi sa Dios.