Mazmur - Pasal 99 Pasal. 99 - Mazmur

bandingkan terjemahan

[1]  Ang Panginoon ay naghahari: manginig ang mga bayan. Siya'y nauupo sa mga querubin; makilos ang lupa.

[2]  Ang Panginoon ay dakila sa Sion; at siya'y mataas na higit sa lahat ng mga bayan.

[3]  Purihin nila ang iyong dakila at kakilakilabot na pangalan: siya'y banal.

[4]  Ang lakas naman ng hari ay umiibig ng kahatulan; ikaw ay nagtatatag ng karampatan, ikaw ay nagsasagawa ng kahatulan at katuwiran sa Jacob.

[5]  Ibunyi ninyo ang Panginoon nating Dios, at magsisamba kayo sa harap ng kaniyang tungtungan; siya'y banal.

[6]  Si Moises at si Aaron sa gitna ng kaniyang mga saserdote, at si Samuel sa kanila na nagsisitawag sa kaniyang pangalan; sila'y nagsisitawag sa Panginoon, at siya'y sumasagot sa kanila.

[7]  Siya'y nagsasalita sa kanila sa haliging ulap: kanilang iniingatan ang kaniyang mga patotoo, at ang palatuntunan na ibinigay niya sa kanila.

[8]  Sumagot ka sa kanila, Oh Panginoon naming Dios; ikaw ay Dios na nagpatawad sa kanila, bagaman nanghiganti ka sa kanilang mga gawa.

[9]  Ibunyi ninyo ang Panginoon nating Dios, at magsisamba kayo sa kaniyang banal na bundok; sapagka't ang Panginoon nating Dios ay banal.