[1] Oh Panginoon, ikaw na Dios na kinauukulan ng panghihiganti, ikaw na Dios na kinauukulan ng panghihiganti, sumilang ka.
[2] Bumangon ka, ikaw na hukom ng lupa: ibigay mo sa palalo ang panghihiganti sa kanila.
[3] Panginoon, hanggang kailan ang masama, hanggang kailan magtatagumpay ang masama?
[4] Sila'y dumadaldal, sila'y nagsasalita na may kapalaluan: lahat na manggagawa ng kasamaan ay nangagmamalaki.
[5] Kanilang pinagwawaraywaray ang iyong bayan, Oh Panginoon, at dinadalamhati ang iyong mana.
[6] Kanilang pinapatay ang bao at ang taga ibang lupa, at pinapatay ang ulila.
[7] At kanilang sinasabi, ang Panginoo'y hindi makakakita, ni pakukundanganan man ng Dios ni Jacob ito.
[8] Gunitain ninyo, ninyong mga hangal sa gitna ng bayan: at ninyong mga mangmang, kailan tayo magiging pantas?
[9] Siyang lumikha ng pakinig, hindi ba siya makakarinig? Siyang lumikha ng mata, hindi ba siya makakakita?
[10] Siyang nagpaparusa sa mga bansa, hindi ba siya sasaway, sa makatuwid baga'y siyang nagtuturo sa tao ng kaalaman?
[11] Nalalaman ng Panginoon ang mga pagiisip ng tao, na sila'y pawang walang kabuluhan.
[12] Mapalad ang tao na iyong pinarurusahan, Oh Panginoon, at tinuturuan mo sa iyong kautusan.
[13] Upang iyong mabigyan ng kapahingahan sa mga kaarawan ng kasakunaan, hanggang sa mahukay ang hukay na ukol sa masama.
[14] Sapagka't hindi itatakuwil ng Panginoon ang kaniyang bayan, ni pababayaan man niya ang kaniyang mana.
[15] Sapagka't kahatulan ay babalik sa katuwiran: at susundan ng lahat na matuwid sa puso.
[16] Sino ang babangon dahil sa akin laban sa mga manggagawa ng kasamaan? Sinong tatayo dahil sa akin laban sa mga manggagawa ng kasamaan?
[17] Kundi ang Panginoon ay naging aking katulong, ang kaluluwa ko'y tumahang madali sana sa katahimikan.
[18] Nang aking sabihin, Ang aking paa ay natitisod; inalalayan ako ng iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon.
[19] Sa karamihan ng aking mga pagiisip sa loob ko ang iyong mga pagaliw ay nagbibigay lugod sa aking kaluluwa.
[20] Makikisama ba sa iyo ang luklukan ng kasamaan, na nagaanyo ng pagapi sa pamamagitan ng palatuntunan?
[21] Sila'y nagpipisan laban sa kaluluwa ng matuwid, at pinarusahan nila ang walang salang dugo.
[22] Nguni't ang Panginoon ay naging aking matayog na moog; at ang Dios ko'y malaking bato na aking kanlungan.
[23] At dinala niya sa kanila ang kanilang sariling kasamaan, at ihihiwalay niya sila sa kanilang sariling kasamaan; ihihiwalay sila ng Panginoon naming Dios.