[1] Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso; aking ipakikilala ang lahat na iyong kagilagilalas na mga gawa.
[2] Ako'y magpapakasaya at magpapakagalak sa iyo: ako'y aawit ng pagpuri sa iyong pangalan, Oh ikaw na kataastaasan.
[3] Pagka ang aking mga kaaway ay magsisibalik, sila'y matitisod at malilipol sa iyong harapan.
[4] Sapagka't iyong inalalayan ang aking matuwid at ang aking usap; ikaw ay nauupo sa luklukan na humahatol na may katuwiran.
[5] Iyong sinaway ang mga bansa, iyong nilipol ang masama, iyong pinawi ang kanilang pangalan magpakailan man.
[6] Ang kaaway ay dumating sa wakas, sila'y lipol magpakailan man; at ang mga siyudad na iyong dinaig, ang tanging alaala sa kanila ay napawi.
[7] Nguni't ang Panginoon ay nauupong hari magpakailan man: inihanda niya ang kaniyang luklukan para sa kahatulan.
[8] At hahatulan niya sa katuwiran ang sanglibutan, siya'y mangangasiwa ng karampatang kahatulan sa mga tao.
[9] Ang Panginoon naman ay magiging matayog na moog sa napipighati, matayog na moog sa mga panahon ng kabagabagan;
[10] At silang nangakakaalam ng iyong pangalan ay maglalagak ng kanilang tiwala sa iyo; sapagka't ikaw, Panginoon, ay hindi mo pinabayaan sila na nagsisihanap sa iyo.
[11] Magsiawit kayo ng mga pagpuri sa Panginoon, na nagsisitahan sa Sion: ipahayag ninyo sa gitna ng bayan ang kaniyang mga gawa.
[12] Sapagka't siyang nagsisiyasat ng dugo ay umaalaala sa kanila: hindi niya kinalilimutan ang daing ng dukha.
[13] Maawa ka sa akin, Oh Panginoon; masdan mo ang kadalamhatian na aking tinitiis sa kanila na mangagtatanim sa akin, ikaw na nagtataas sa akin mula sa mga pintuan ng kamatayan;
[14] Upang aking maipakilala ang iyong buong kapurihan: sa mga pintuang-bayan ng anak na babae ng Sion, ako'y magagalak sa iyong pagliligtas.
[15] Ang mga bansa ay nangahulog sa balon na kanilang ginawa: sa silo na kanilang ikinubli ay kanilang sariling paa ang nahuli.
[16] Ang Panginoon ay napakilala, siya'y naglapat ng kahatulan: ang masama ay nasilo sa mga gawa ng kaniyang sariling mga kamay. (Higgaion. Selah)
[17] Ang masama ay mauuwi sa Sheol, pati ng lahat ng mga bansa na nagsisilimot sa Dios.
[18] Sapagka't ang mapagkailangan ay hindi laging malilimutan, ni ang pagasa ng dukha ay mapapawi magpakailan man.
[19] Bumangon ka, Oh Panginoon; huwag manaig ang tao: mahatulan ang mga bansa sa iyong paningin.
[20] Ilagay mo sila sa katakutan Oh, Panginoon: ipakilala mo sa mga bansa na sila'y mga tao lamang. (Selah)