Mazmur - Pasal 77 Pasal. 77 - Mazmur

bandingkan terjemahan

[1]  Ako'y dadaing ng aking tinig sa Dios; sa Dios ng aking tinig; at kaniyang didinggin ako.

[2]  Sa kaarawan ng aking kabagabagan ay hinahanap ko ang Panginoon: ang kamay ko'y nakaunat sa gabi, at hindi nangangalay; tumatangging maaliw ang kaluluwa ko.

[3]  Naaalaala ko ang Dios, at ako'y nababalisa: ako'y nagdaramdam, at ang diwa ko'y nanglulupaypay. (Selah)

[4]  Iyong pinupuyat ang mga mata ko: ako'y totoong nababagabag na hindi ako makapagsalita.

[5]  Aking ginunita ang mga araw ng una, ang mga taon ng dating mga panahon.

[6]  Aking inaalaala ang awit ko sa gabi: sumasangguni ako sa aking sariling puso; at ang diwa ko'y masikap na nagsiyasat.

[7]  Magtatakuwil ba ang Panginoon magpakailan man? At hindi na baga siya lilingap pa?

[8]  Ang kaniya bang kagandahang-loob ay lubos na nawala magpakailan man? Natapos na bang walang hanggan ang kaniyang pangako?

[9]  Nakalimot na ba ang Dios na magmaawain? Kaniya bang tinakpan ng kagalitan ang kaniyang malumanay na mga kaawaan? (Selah)

[10]  At aking sinabi, Ito ang sakit ko; nguni't aalalahanin ko ang mga taon ng kanan ng Kataastaasan.

[11]  Babanggitin ko ang mga gawa ng Panginoon; sapagka't aalalahanin ko ang mga kabagabagan mo ng una.

[12]  Bubulayin ko ang lahat ng iyong gawa, at magmumuni tungkol sa iyong mga gawa.

[13]  Ang iyong daan, Oh Dios, ay nasa santuario: sino ang dakilang dios na gaya ng Dios?

[14]  Ikaw ay Dios na gumagawa ng mga kagilagilalas: iyong ipinakilala ang kalakasan mo sa gitna ng mga tao.

[15]  Iyong tinubos ng kamay mo ang iyong bayan, ang mga anak ng Jacob at ng Jose. (Selah)

[16]  Nakita ka ng tubig, Oh Dios; nakita ka ng tubig, sila'y nangatakot: ang mga kalaliman din naman ay nanginig.

[17]  Ang mga alapaap ay nangaglagpak ng tubig; ang langit ay humugong: ang mga pana mo naman ay nagsihilagpos.

[18]  Ang tinig ng iyong kulog, ay nasa ipoipo; tinanglawan ng mga kidlat ang sanglibutan: ang lupa ay nayanig at umuga.

[19]  Ang daan mo'y nasa dagat, at ang mga landas mo'y nasa malalawak na tubig, at ang bakas mo'y hindi nakilala.

[20]  Iyong pinapatnubayan ang iyong bayan na parang kawan, sa pamamagitan ng kamay ni Moises at ni Aaron.