[1] Ibigay mo sa hari ang iyong mga kahatulan, Oh Dios, at ang iyong katuwiran sa anak na lalake ng hari.
[2] Kaniyang hahatulan ang iyong bayan, ng katuwiran, at ang iyong dukha, ng kahatulan.
[3] Ang mga bundok ay magtataglay ng kapayapaan sa bayan, at ang mga gulod, sa katuwiran.
[4] Kaniyang hahatulan ang dukha sa bayan, kaniyang ililigtas ang mga anak ng mapagkailangan, at pagwawaraywarayin ang mangaapi.
[5] Sila'y mangatatakot sa iyo habang nananatili ang araw, at habang sumisilang ang buwan, sa lahat ng sali't saling lahi.
[6] Siya'y babagsak na parang ulan sa tuyong damo: gaya ng ambon na dumidilig sa lupa.
[7] Sa kaniyang mga kaarawan ay giginhawa ang mga matuwid; at saganang kapayapaan, hanggang sa mawala ang buwan.
[8] Siya naman ay magtataglay ng pagpapakapanginoon sa dagat at dagat, at mula sa ilog hanggang sa mga wakas ng lupa.
[9] Silang nagsisitahan sa ilang ay magsisiyukod sa kaniya; at hihimuran ng kaniyang mga kaaway ang alabok.
[10] Ang mga hari ng Tharsis, at sa mga pulo ay mangagdadala ng mga kaloob; ang mga hari sa Sheba at Seba ay mangaghahandog ng mga kaloob.
[11] Oo, lahat ng mga hari ay magsisiyukod sa harap niya: lahat ng mga bansa ay mangaglilingkod sa kaniya.
[12] Sapagka't kaniyang ililigtas ang mapagkailangan pagka dumadaing; at ang dukha na walang katulong.
[13] Siya'y maaawa sa dukha at mapagkailangan, at ang mga kaluluwa ng mga mapagkailangan ay kaniyang ililigtas.
[14] Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa sa kapighatian at karahasan; at magiging mahalaga ang kanilang dugo sa kaniyang paningin:
[15] At siya'y mabubuhay at sa kaniya'y ibibigay ang ginto ng Sheba: at dadalanginang lagi siya ng mga tao: pupurihin nila siya buong araw.
[16] Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa sa taluktok ng mga bundok; ang bunga niyao'y uugang gaya ng Libano: at silang sa bayan ay giginhawa na parang damo sa lupa.
[17] Ang kaniyang pangalan ay mananatili kailan man; ang kaniyang pangalan ay magluluwat na gaya ng araw: at ang mga tao ay pagpapalain sa kaniya; tatawagin siyang maginhawa ng lahat ng mga bansa.
[18] Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel, na siya lamang gumagawa ng mga kababalaghang bagay:
[19] At purihin ang kaniyang maluwalhating pangalan magpakailan man; at mapuno ang buong lupa ng kaniyang kaluwalhatian. Siya nawa, at Siya nawa.
[20] Ang mga dalangin ni David na anak ni Isai ay nangatapos.