Mazmur - Pasal 7 Pasal. 7 - Mazmur

bandingkan terjemahan

[1]  Oh Panginoon kong Dios, sa iyo nanganganlong ako. Iligtas mo ako sa lahat na nagsisihabol sa akin, at palayain mo ako:

[2]  Baka lurayin nila na gaya ng leon ang aking kaluluwa, na lurayin ito, habang walang magligtas.

[3]  Oh Panginoon kong Dios, kung ginawa ko ito; kung may kasamaan sa aking mga kamay;

[4]  Kung ako'y gumanti ng kasamaan sa kaniya na may kapayapaan sa akin; (Oo, aking pinawalan siya, na walang anomang kadahilanan ay naging aking kaaway:)

[5]  Habulin ng kaaway ang aking kaluluwa, at abutan; Oo, yapakan niya ang aking kaluluwa sa lupa, at ilagay ang aking kaluwalhatian sa alabok. (Selah)

[6]  Ikaw ay bumangon, Oh Panginoon, sa iyong galit, magpakataas ka laban sa poot ng aking mga kaaway; at gumising ka dahil sa akin; ikaw ay nagutos ng kahatulan.

[7]  At ligirin ka ng kapisanan ng mga bayan sa palibot: at sila'y pihitan mong nasa mataas ka.

[8]  Ang panginoo'y nangangasiwa ng kahatulan sa mga bayan: iyong hatulan ako, Oh Panginoon, ayon sa aking katuwiran, at sa aking pagtatapat na nasa akin.

[9]  Oh wakasan ang kasamaan ng masama, nguni't itatag mo ang matuwid; sapagka't sinubok ng matuwid na Dios ang mga pagiisip at ang mga puso.

[10]  Ang aking kalasag ay sa Dios. na nagliligtas ng matuwid sa puso.

[11]  Ang Dios ay matuwid na hukom, Oo, Dios na may galit araw-araw.

[12]  Kung ang tao ay hindi magbalik-loob, kaniyang ihahasa ang kaniyang tabak; kaniyang iniakma ang kaniyang busog, at inihanda.

[13]  Inihanda rin naman niya ang mga kasangkapan ng kamatayan; kaniyang pinapagniningas ang kaniyang mga pana.

[14]  Narito, siya'y nagdaramdam ng kasamaan; Oo, siya'y naglihi ng kasamaan, at nanganak ng kabulaanan.

[15]  Siya'y gumawa ng balon, at hinukay, at nahulog sa hukay na kaniyang ginawa.

[16]  Ang kaniyang gawang masama ay magbabalik sa kaniyang sariling ulo, at ang kaniyang pangdadahas ay babagsak sa kaniyang sariling bunbunan.

[17]  Ako'y magpapasalamat sa Panginoon, ayon sa kaniyang katuwiran: at aawit ng pagpupuri sa pangalan ng Panginoon na Kataastaasan.