[1] Narinig namin ng aming mga pakinig, Oh Dios, isinaysay sa amin ng aming mga magulang, kung anong gawa ang iyong ginawa sa kanilang mga kaarawan, ng mga kaarawan ng una.
[2] Iyong itinaboy ng iyong kamay ang mga bansa, nguni't itinatag mo sila; iyong dinalamhati ang mga bayan, nguni't iyong pinangalat sila.
[3] Sapagka't hindi nila tinamo ang lupain na pinakaari sa pamamagitan ng kanilang sariling tabak, ni iniligtas man sila ng kanilang sariling kamay: kundi ng iyong kanan, at ng iyong bisig, at ng liwanag ng iyong mukha, sapagka't iyong nilingap sila.
[4] Ikaw ang aking Hari, Oh Dios: magutos ka ng kaligtasan sa Jacob.
[5] Dahil sa iyo'y itutulak namin ang aming mga kaaway: sa iyong pangalan ay yayapakan namin sila na nagsisibangon laban sa amin.
[6] Sapagka't hindi ako titiwala sa aking busog, ni ililigtas man ako ng aking tabak.
[7] Nguni't iniligtas mo kami sa aming mga kaaway, at inilagay mo sila sa kahihiyan na nangagtatanim sa amin.
[8] Sa Dios ay naghahambog kami buong araw, at mangagpapasalamat kami sa iyong pangalan magpakailan man. (Selah)
[9] Nguni't ngayo'y itinakuwil mo kami, at inilagay mo kami sa kasiraang puri; at hindi ka lumalabas na kasama ng aming mga hukbo.
[10] Iyong pinatatalikod kami sa kaaway: at silang nangagtatanim sa amin ay nagsisisamsam ng sa ganang kanilang sarili.
[11] Iyong ibinigay kaming gaya ng mga tupa na pinaka pagkain; at pinangalat mo kami sa mga bansa.
[12] Iyong ipinagbibili ang iyong bayan na walang bayad, at hindi mo pinalago ang iyong kayamanan sa pamamagitan ng kanilang halaga.
[13] Ginawa mo kaming katuyaan sa aming mga kapuwa, isang kasabihan at kadustaan nila na nangasa palibot namin.
[14] Iyong ginawa kaming kawikaan sa gitna ng mga bansa, at kaugaan ng ulo sa gitna ng mga bayan.
[15] Buong araw ay nasa harap ko ang aking kasiraang puri, at ang kahihiyan ng aking mukha ay tumakip sa akin,
[16] Dahil sa tinig niya na dumuduwahagi at tumutungayaw; dahil sa kaaway at sa manghihiganti.
[17] Lahat ng ito'y dumating sa amin; gayon ma'y hindi namin kinalimutan ka, ni gumawa man kami na may karayaan sa iyong tipan.
[18] Ang aming puso ay hindi tumalikod, ni ang amin mang mga hakbang ay humiwalay sa iyong daan;
[19] Na kami ay iyong lubhang nilansag sa dako ng mga chakal, at tinakpan mo kami ng lilim ng kamatayan.
[20] Kung aming nilimot ang pangalan ng aming Dios, O aming iniunat ang aming mga kamay sa ibang dios;
[21] Hindi ba sisiyasatin ito ng Dios? Sapagka't nalalaman niya ang mga lihim ng puso.
[22] Oo, dahil sa iyo ay pinapatay kami buong araw; kami ay nabilang na parang mga tupa sa patayan.
[23] Ikaw ay gumising, bakit ka natutulog, Oh Panginoon? Ikaw ay bumangon, huwag mo kaming itakuwil magpakailan man.
[24] Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha, at kinalilimutan mo ang aming kadalamhatian at aming kapighatian?
[25] Sapagka't ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok: ang aming katawan ay nadidikit sa lupa.
[26] Ikaw ay bumangon upang kami ay tulungan, at tubusin mo kami dahil sa iyong kagandahang-loob.