[1] Panginoon, alalahanin mo para kay David ang lahat niyang kadalamhatian;
[2] Kung paanong sumumpa siya sa Panginoon, at nanata sa Makapangyarihan ni Jacob:
[3] Tunay na hindi ako papasok sa tabernakulo ng aking bahay, ni sasampa man sa aking higaan,
[4] Hindi ako magbibigay ng pagkakatulog sa aking mga mata, o magpapaidlip man sa aking mga talukap-mata;
[5] Hanggang sa ako'y makasumpong ng dakong ukol sa Panginoon, ng tabernakulo ukol sa Makapangyarihan ni Jacob.
[6] Narito, narinig namin sa Ephrata: aming nasumpungan sa mga parang ng gubat.
[7] Kami ay magsisipasok sa kaniyang tabernakulo; kami ay magsisisamba sa harap ng kaniyang tungtungan.
[8] Bumangon ka, Oh Panginoon, sa iyong pahingahang dako: ikaw, at ang kaban ng iyong kalakasan.
[9] Magsipagsuot ang iyong mga saserdote ng katuwiran; at magsihiyaw ang iyong mga banal dahil sa kagalakan.
[10] Dahil sa iyong lingkod na kay David huwag mong ipihit ang mukha ng iyong pinahiran ng langis.
[11] Ang Panginoon ay sumumpa kay David sa katotohanan; hindi niya babaligtarin: ang bunga ng iyong katawan ay aking ilalagay sa iyong luklukan.
[12] Kung iingatan ng iyong mga anak ang aking tipan. At ang aking patotoo na aking ituturo, magsisiupo naman ang kanilang mga anak sa iyong luklukan magpakailan man.
[13] Sapagka't pinili ng Panginoon ang Sion; kaniyang ninasa na pinaka tahanan niya.
[14] Ito'y aking pahingahang dako magpakailan man. Dito ako tatahan; sapagka't aking ninasa.
[15] Aking pagpapalain siyang sagana sa pagkain; aking bubusugin ng pagkain ang kaniyang dukha.
[16] Ang kaniya namang mga saserdote ay susuutan ko ng kaligtasan: at ang kaniyang mga banal ay magsisihiyaw ng malakas sa kagalakan.
[17] Doo'y aking pamumukuhin ang sungay ni David: aking ipinaghanda ng ilawan ang aking pinahiran ng langis.
[18] Ang kaniyang mga kaaway ay susuutan ko ng kahihiyan: nguni't sa kaniya'y mamumulaklak ang kaniyang putong.