Mazmur - Pasal 109 Pasal. 109 - Mazmur

bandingkan terjemahan

[1]  Huwag kang mapayapa, Oh Dios na aking kapurihan;

[2]  Sapagka't ang bibig ng masama at ang bibig ng magdaraya ay ibinuka nila laban sa akin: sila'y nangagsalita sa akin na may sinungaling na dila.

[3]  Kanilang kinulong ako sa palibot ng mga salitang pagtatanim, at nagsilaban sa akin ng walang kadahilanan.

[4]  Sa kabayaran ng aking pagibig ay mga kaaway ko sila: nguni't ako'y tumatalaga sa dalangin.

[5]  At iginanti nila sa akin ay kasamaan sa mabuti, at pagtatanim sa pagibig ko.

[6]  Lagyan mo ng masamang tao siya: at tumayo nawa ang isang kaaway sa kaniyang kanan.

[7]  Pagka siya'y nahatulan, lumabas nawa siyang salarin; at maging kasalanan nawa ang kaniyang dalangin.

[8]  Maging kaunti nawa ang kaniyang mga kaarawan; at kunin nawa ng iba ang kaniyang katungkulan.

[9]  Maulila nawa ang kaniyang mga anak, at mabao ang kaniyang asawa.

[10]  Magsilaboy nawa ang kaniyang mga anak, at mangagpalimos; at hanapin nila ang kanilang pagkain sa kanilang mga dakong guho.

[11]  Kunin nawa ng manglulupig ang lahat niyang tinatangkilik; at samsamin ng mga taga ibang lupa ang kaniyang mga gawa.

[12]  Mawalan nawa ng maawa sa kaniya; at mawalan din ng maawa sa kaniyang mga anak na ulila.

[13]  Mahiwalay nawa ang kaniyang kaapuapuhan; sa lahing darating ay mapawi ang kaniyang pangalan.

[14]  Maalaala nawa ng Panginoon ang kasamaan ng kaniyang mga magulang; at huwag mapawi ang kasalanan ng kaniyang ina,

[15]  Mangalagay nawa silang lagi sa harap ng Panginoon, upang ihiwalay niya ang alaala sa kanila sa lupa.

[16]  Sapagka't hindi niya naalaalang magpakita ng kaawaan, kundi hinabol ang dukha at mapagkailangan, at ang may bagbag na puso, upang patayin.

[17]  Oo, kaniyang inibig ang sumpa, at dumating sa kaniya; at hindi siya nalulugod sa pagpapala, at malayo sa kaniya.

[18]  Nagsusuot naman siya ng sumpa na parang kaniyang damit, at nasok sa kaniyang mga loob na bahagi na parang tubig, at parang langis sa kaniyang mga buto.

[19]  Sa kaniya'y maging gaya nawa ng balabal na ibinabalabal, at gaya ng bigkis na ibinibigkis na lagi.

[20]  Ito ang kagantihan sa aking mga kaaway na mula sa Panginoon, at sa kanilang nangagsasalita ng kasamaan laban sa aking kaluluwa.

[21]  Nguni't gumawa kang kasama ko, Oh Dios na Panginoon, alang-alang sa iyong pangalan: sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay mabuti, iligtas mo ako,

[22]  Sapagka't ako'y dukha at mapagkailangan, at ang aking puso ay nasaktan sa loob ko.

[23]  Ako'y yumayaong gaya ng lilim pagka kumikiling: ako'y itinataas at ibinababa ng hangin na parang balang.

[24]  Ang aking mga tuhod ay mahina sa pagaayuno, at ang aking laman ay nagkukulang ng katabaan.

[25]  Ako nama'y naging kadustaan sa kanila: pagka kanilang nakikita ako, kanilang pinagagalawgalaw ang kanilang ulo.

[26]  Tulungan mo ako, Oh Panginoon kong Dios; Oh iligtas mo ako ayon sa iyong kagandahang-loob:

[27]  Upang kanilang maalaman na ito'y iyong kamay; na ikaw, Panginoon, ang may gawa.

[28]  Sumumpa sila, nguni't magpapala ka: pagka sila'y nagsibangon, sila'y mangapapahiya, nguni't ang iyong lingkod ay magagalak.

[29]  Manamit ng kasiraang puri ang mga kaaway ko, at matakpan sila ng kanilang sariling kahihiyan na parang balabal.

[30]  Ako'y magpapasalamat ng marami ng aking bibig sa Panginoon; Oo, aking pupurihin siya sa gitna ng karamihan.

[31]  Sapagka't siya'y tatayo sa kanan ng mapagkailangan, upang iligtas sa kanilang nagsisihatol ng kaniyang kaluluwa.